Wednesday, June 18, 2014

Enero Tres

ang iyong mga kaway
ang indayog ng iyong munting kamay
ay tagpas ng tabak sa aking dibdib
papaalis ka na
papaalis ka nang muli
tungo sa dalampasigan ng iyong kamusmusan
ang iyong ngiting
sintamis ng umaga
ay punglo sa aking dibdib
ang iyong mga kaway
ang iyong mga ngiti
ay kumikitil
sa puso kong
namimighati

Monday, June 2, 2014

Financial Planning Mo'ng Mukha Mo

Siyam sa bawat sampung Filipino ay palaging kapos sa pera. Dahil umano ito sa kahinaan ng nakararaming Pinoy na mag-plano ng pinansiya. Financial planning, ika nga; o di kaya'y budget management.

Ito ang headline sa diyaryo na nabasa ni Ambo habang naghihintay ng masasakyan papunta sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Si Ambo ay kontraktuwal na manggagawa sa isang pabrika ng garments sa Maynila. Sumasahod siya ng 350 piso kada araw. At dahil kontraktuwal, no-work no-pay ang kaniyang sitwasyon.

Naengganyo si Ambo na basahin ang artikulong kaniyang nakita sa diyaryo. Dama niya kasi ang binabanggit sa headline -- kapos lagi ang pinansiya ng kaniyang pamilya sa bawat buwan. Kailangan pa niyang mangutang o bumale upang maitawid ang isang buong buwan.

Kaya naman masusi niyang binasa ang artikulo upang malaman ang maaaring solusyon sa kaniyang problema. Gaya nga ng nabanggit sa headline, mayor na salik daw sa pagiging kapos sa pananalapi ay ang kawalang kaalaman sa pagpaplano ng pinansiya. Gusto niyang matuto nito nang sa gayo'y maitawid man lamang niya ang isang buwan nang hindi nangungutang.

Halos buong maghapong pinag-isipan ni Ambo ang tungkol sa financial planning. Habang nagtatabas siya ng tela ay unti-unti niyang binubuo sa isip ang paghahanay ng mga gastusin ng kaniyang pamilya sa isang buwan.

At nagplano na nga si Ambo...

Pagka-uwi sa bahay ay agad na naupo si Ambo sa sala at hinarap ang pagbabadyet. Hiniram niya ang calculator ng panganay na anak at inilatag sa harapan ang malinis na papel. Habang hawak ang lapis ay nagsimulang mag-isip si Ambo. Kinagat-kagat pa niya ang maikling pambura na nakausli sa dulo ng lapis.

Inisip ni Ambo na gawin munang arawan ang pagpaplano ng kanilang pinansya. At heto na nga:

1. Sahod sa isang araw: P350
2. Kita ni misis sa pagtitinda ng pisbol: P150

Kabuuang pumapasok na pera: P500

Ngayon, kailangan niyang kuwentahin ang gastusin sa araw-araw. Tatlo ang anak niya: dalawa ay nasa hayskul at grade 3 naman ang bunso. Kasama si misis, siya, at ang biyenang babae, anim silang lahat sa bahay.

3. Mga gastusin:

a. 1 1/2 kilong bigas - P60.00
b. Ulam - P100.00
c. baon ni Ambo Jr. - 30
d. baon ni Nene - 30
e. baon ni bunso - 15
f. baon ko - 75

(note: kasama na sa baon ang pamasahe, pangmeryenda/recess)

Kabuuang gastusin sa araw-araw: P310.00

Ayos! 500 minus 310 ay ekwals 190. May siyento-nubenta pang natira. Kung itatayms ito sa dalawampung araw na may suweldo at kita ay P3,800.

Pero naisip ni Ambo na may kulang pa sa kalkulasyon niya. Paano ang buwanang bayad sa kuryente? 600 ang bill sa karaniwan. Kung aawasin ito sa 3,800 ay matitirhan siya ng 3,200.

At nga pala, kailangan pang magbayad kay Ka Bising para sa upa sa bahay. 2,000 iyon. 3,200 - 2,000 = 1,200 na lang.

Teka nga pala ulit. Naisip bigla ni Ambo ang pambili ng groseri? Babaho ang pamilya niya kung walang sabon panligo, shampoo'ng mumurahin, sabon panlaba... ay naku ang bayad nga pala sa tubig, 200 piso din iyon!

May 1,000 pa para sa groseri. Mga sabon, asukal, kape, gatas ni bunso, napkin ni misis at ni Nene, pildoras pa pala, gamot sa hayblad ni nanay. Paano nga rin pala ang pambili ng mga gamit sa eskwela: papel, project, art paper, at kung anu-ano pang hinihingi sa eskwelahan.

Kasya na kaya ang isang libo para sa lahat ng nailista niya?

Magdamag na binalibaligtad ni Ambo ang listahan. Sinuring mabuti. Kinuwenta muli. Kapos talaga. Binaklas niya muli ang listahan ng gastusin. Pinag-isipan ni Ambo kung ano ang aalisin.

Huwag na lang kayang magkape? Huwag na ring mag-gatas ang mga bata. Mag-ayuno na lang kaya siya sa seks para di na bibili ng pildoras si misis. Naku mas delikado yun, baka madisgrasya pa at madagdagan ang anak niya.

Huwag na lang kayang painumin ng gamot si biyenan, tutal lagi namang hayblad yun? Napailing si Ambo, naaawa naman siya sa kalagayan ng ina ng asawa.

Bawasan kaya niya ang baon araw-araw? Pero halos pamasahe na lang talaga naman ang baon niya.

Dalawang beses na lang kaya sila kakain sa isang araw? At bawasan ang kanin para isang kilo na lang? O di kaya'y tuyo't dilis na lang araw-araw ang ulam at manghingi na lang ng dahon ng malunggay sa eskwelahan.

Napagod na si Ambo kaiisip at kakukuwenta. Tumitilaok na ang mga tandang ng kapitbahay niya.

Nahiga na si Ambo, nanlulumo. Wala talaga yata siyang abilidad sa financial planning. Simple lang naman daw pero bakit hindi pa niya mapagkasya ang pera.

Natulog na si Ambo subalit hanggang panaginip ay financial planning pa rin ang bida. Dinalaw siya ng yumaong tatay niya, sumalangit nawa.

Nagtaka si Ambo kung bakit parang galit ang tatay niya kaya tinanong niya ang matanda. Sinagot naman siya ng kaniyang tatay:

"Hindot ka Ambo! Sa tanda mong iyan, naniniwala ka pa sa kutso-kutsong alamat ng mga kapitalista. Kapos ka sa pera, ikaw ang sinisisi dahil hindi ka marunong magplano ng pinansiya?"

"Financial Planning mo'ng mukha mo! Ang kailangan ng tulad mong manggagawa ay mataas na sahod at regular na trabaho. Hangga't binabarat ka ng kapitalista mo, kahit anong badyet ang gawin mo, nga-nga ka pa rin!"

Hindik na nagising si Ambo, hindi siya makahinga.

Wednesday, January 15, 2014

Kamatayan, Paglalakbay, at Paglaya

Sa unang taong anibersaryo ng pagyao ng aking ina, muli kong ilalathala ang artikulong ito bilang pag-alaala sa kaniya:

Kamatayan, Paglalakbay, at Paglaya

Sa panahon ng pagdadalamhati, naging kaulayaw ko na ang mga piling sanaysay at tula ng aking mga paboritong manunulat. Tila baga pampamanhid ng kirot ang kanilang mga berso. Ang mga pangungusap at talata ay mistulang pampa-ampat ng nagdurugong damdamin.

Mabisang lunas sa kalungkutan ang pinagdugtong-dugtong na titik. Naipaliliwanag nila ang dahilan ng mga bagay. Nabubuksan ng mga pangungusap ang pag-unawa sa mga pangyayaring mahirap matanto, at mahirap tanggapin.

Katulad sa usapin ng kamatayan. Sino ba sa atin ang hindi nagdadalamhati kapag ang isang mahal sa buhay ay pumanaw? Likas sa tao ang mag-asam na makapiling nang habambuhay ang mga pinakamamahal.

Subalit walang nilalang ang maaaring mabuhay magpakailanman. Ito ang isa sa mga pinakamsaklap na katotohanan ng buhay. Ang lahat ay matatapos; ang lahat ay mapupugto. Sinuman sa atin ay hindi ligtas sa batas ng kalikasan.

Ngayon nga ay pumanaw na ang aking ina, halos mahigit isang taon at kalahati matapos lumisan ang aking ama. Sa iskema ng mga bagay-bagay, halos magkasabay silang lumisan. Naulila nila ang pitong magkakapatid at sampung apo.

Natural na makaramdam ng pighati ang isang anak na hindi nagkaroon ng pagkakataong masilayan ang huling sandali ng mga magulang. Isa ba itong ganti ng langit sa matabil at lagalag na anak?

Sa mga panahong katulad ngayon; sa gitna ng dalamhati, kasakit, at pighati, lagi at lagi kong naitatanong sa sarili kung ano ba talaga ang saysay ng kamatayan. Kung bakit may pumapanaw na tahimik at matiwsay? Bakit may pumapanaw na naghihirap? At bakit may pumapanaw nang marahas?

Sa ganang akin, anuman ang uri ng paglisan ng isang tao sa daigdig, iisa lamang ang kahulugan nito. Ang kamatayan ay paglaya. Paglaya mula sa kahirapan, paglaya mula sa sakit, sa dalamhati, sa suliranin, at sa mga pasaning krus na ipinataw ng daigdig ng mga tao.

Ang kamatayan ay hindi dapat pagluluksa. Totoo, tayo ay mangungulila sapagkat hindi na natin makakapiling ang pumanaw na mahal sa buhay. Subalit hindi tayo dapat malungkot dahil sa huling pagsusuri, ang taong namamatay ay lumalaya sa mga suliraning kakaharapin pa ng mga nabubuhay.

Sa panahon ng kamatayan, tunay na lalaya ang isang nilalang mula sa pagkakapiit sa katawang lupa. Napakamakabuluhan ang mga iniwang salita ni Khalil Gibran ukol dito. Sa kaniyang tulang The Prophet, inarok ni Gibran ang tunay na kahulugan ng kamatayan at ang saysay nito sa bawat nilalang:

"For what is it to die but to stand naked in the wind and to melt into the sun?
And what is to cease breathing, but to free the breath from its restless tides, that it may rise and expand and seek God unencumbered?
Only when you drink form the river of silence shall you indeed sing.
And when you have reached the mountain top, then you shall begin to climb.
And when the earth shall claim your limbs, then shall you truly dance." (The Prophet, K. Gibran)

Makapagsisimula lamang tayong pumaimbulog patungo sa buhay na walang hanggan matapos mapugto ang buhay ng ating katawang lupa. Masisimulan lamang ang tunay na paglalakbay matapos nating marating ang rurok ng buhay. Ito ang tunay na paglaya. Ito ang tunay na paglalakbay.