Thursday, January 15, 2015

Alaala

Maraming mga pangyayari ang hindi ko na maalaala. Mga pangyayari na parang panaginip na lamang, minsan nga ay halos hindi ko na matandaan maski kaunting detalye. Parang nabubura ito sa memorya.

Gayundin naman sa mga bagay. Hindi ko na matandaan ang mga naging libro ko, ano ang kulay ng bag ko noong kolehiyo, ano ba ang gamit kong pang-araw-araw noon. Nawala na lahat ang mga iyon sa memorya.

At ito rin ang sitwasyon sa mga taong nakasalamuha ko. maaaring natatandaan ko ang hitsura ng mga nakadaupang palad ko noon. Alam ko pa minsan ang kanilang mga pangalan. Pero ang mga bagay at mga pagkakataong pinagsaluhan ay mistulang nagiging malayong panaginip na lang. Malabo na ika nga.

Bakit ko nga ba naisusulat ito ngayon? Marahil ay nangungulila lamang ako sa aking ina. Dalawang taon na ang nakalipas nang lisanin na niya ang daigdig.

Sariwa pa naman ang alaala niya. At sino ba namang nilalang ang makakalimot sa kaniyang magulang. Subalit may mga pagkakataong nagiging mistulang malabong panaginip na lamang ang mga bagay at pagkakataong pinagsaluhan namin.

Katunayan, wala na sa aking gunita ang mga panahong pinagsaluhan namin noong ako'y bata pa. Paano ba niya ako binibihisan? Paano ba niya hinahanda ang gamit ko sa eskuwela? Hindi ko na matandaan ang mga ito.

Naaalala ko naman ang mga panahon ng pagbabakasyon ko sa Mindoro. Naroon kasi ang hanapbuhay ng aking mga magulang. May dalawang pagkakataon lang yata akong nakapagbakasyon noon sa kanila.
Ang hinding-hindi ko nalilimutan ay kung gaano kasarap ang mga lutong bahay na inihahanda ni Mommy. Paksiw na bangus, halabos na tilapiya, sinigang na hipon o sugpo, adobong talaba, menudo, at kung anu-ano pa.

Basta yata sa pagkain ay mahirap talagang malimutan ang ating mga ina. Talaga namang maingat niyang inihahanda ang bawat pagkaing pagsasaluhan namin. Kahit na iniihit na siya ng ubo sa pag-ihip sa de-kahoy na lutuan, ay di niya iyon alintana. Nakikita ko na nahihirapan siyang huminga minsan dahil sa kaniyang hika. Pero hindi iyon sagabal basta inihahanda niya ang ihahain sa amin.

Subalit parang isang gasgas na silent movie na lamang ang aking mga alaala. Malabo na sa gunita ang mga kakaiba at nakahahalinang amoy ng kaniyang niluluto. Hindi ko na nga rin maalala kung ano ang mga pinag-usapan namin habang tumutulong ako sa kaniya sa kusina. Silent movie na nga lang.

Ang pangamba ko, baka sa paglipas ng panahon; matapos ang marami pang taon, baka pati ang mala-silent movie na memorya ko ay lalo pang kumupas. Ayaw ko itong mangyari.

Wednesday, January 14, 2015

Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon

91JDfPjz6iL._SL1500_

Introduksiyon

Ang pagbabasa ng mga katutubong kuwentong bayan ang isa sa pinakamabisang paraan upang maunawaan ang kultura ng isang bansa. Ayon kay William Bascom, isang kilalang Amerikanong kuwentista at antropolohista, ang mga kuwentong bayan ay salamin ng mga katutubong kaugalian, tradisyon, ritwal, at kultura. Nilalaman ng mga katutubong kuwento ang buod ng pagkatao ng isang partikular na grupo sa lipunan.

Ang paglalathala ng e-Book na ito ay isang pagtatangka na maibahagi sa buong daigdig ang ilang piling kuwentong bayan ng tribung Bukidnon sa Hilagang Mindanao, sa wikang madaling maintindihan ng kabataang Filipino. Sa gayon, magiging mas nakaaaliw ang kanilang pagbabasa.

Marami na ang nalimbag na mga kuwentong bayan ng tribung Bukidnon. Subalit kadalasan, ang mga kuwento ay nakasulat sa wikang English. Tampok sa mga aklat na ito ang kalipunang binuo ni Mable Cook Cole, ang Philippine Folk Tales, na nalathala sa Chicago, USA noong taong 1916.

Limang kuwento sa e-Book na ito ay nagmula sa aklat ni Cole at isinalin sa wikang Filipino upang mapakinabangan at mapag-aralan ng mga kabataang Filipino.

Isa pang mahalagang koleksiyon ng mga popular na kuwentong bayan sa Filipinas ay binuo naman ni Dean S. Fansler. Ang libro ni Fansler ay pinamagatang Filipino Popular Tales na inilathala ng American Folk-Lore Society sa New York, USA noong taong 1921.

Nasusulat rin sa wikang English ang kuwentong bayan ng tribung Bukidnon hinggil sa paglikha ng daigdig. Ang kuwentong How the World Begun - A Popular Bukidnon Folktale Retold, ay kasama sa aklat na Philippine Literature nina Lourdes M. Ribo at Linda D. Reyes.

Natatangi naman ang manuskrito ni Michelle V. Datuin ng Mindanao State University - Iligan Institute of Technology (MSU-IIT). Ang likha ni Datuin ay pinamagatang Pagsasalin sa Filipino ng mga Piling Kwentong Bayan ng Tribung Bukidnon para Instruksyunal Materyal. Matatagpuan ang koleksiyong ito sa School of Graduate Studies ng MSU-IIT.

Tanging ang manuskrito lamang ni Datuin ang nagtangkang maglahad ng mga kuwentong bayan ng tribung Bukidnon sa wikang Filipino.

Kamakailan lamang ay nilathala ng Kitanglad Integrated NGOs ang serye ng mga Komiks na naglalaman ng mga katutubong tradisyon ng tribung Bukidnon. Inilunsad sa publiko ang serye ng mga Komiks noong Mayo 2013. Binubuo ang serye ng apat na bolyum: 1) Bukidnon tale of creation; 2) Traditional Marriage practices of the Bukidnon Tribe in Mt. Kitanglad; 3) Maternal and Child Care; 4) Responsible Parenthood.

Ang mga Komiks na nabanggit ay nakasulat sa wikang Binukid, ang katutubong wika ng tribung Bukidnon, at mayroong katumbas na salin sa wikang English.

English pa rin ang wikang ginamit sa pagsasalin. Wala namang masama kung pangunahing nasa wikang English ang pagsasalin ng mga katutubong kuwento at tradisyon ng tribung Bukidnon. Subalit magiging mas mayaman ang kultura ng Filipinas kung ang mga katutubong kuwento ay maisasalin sa wikang Filipino. Dagdag pa, mas madaling maiintindihan ng mga mamamayan kung ang mga kuwentong bayan ay nakasulat sa sariling wika.

Ang mga ito ang pangunahing dahilan sa pagbuo ng e-Book na inyong binabasa ngayon.

Ang Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay isang independiyenteng pagtatangka na mailarawan ng malinaw ang mga tradisyunal na kuwento ng tribung Bukidnon sa wikang Filipino.

Ang e-Book ay binubuo ng anim na kuwento:

Paano Nilikha ang Daigdig

Paano Nagkaroon ng Buwan at mga Bituin

Ang Malaking Baha

Paano Naging Unggoy ang mga Batang Paslit

Si Magbangal

Si Bulanawan at Si Aguio

Ang unang kuwento, Paano Nilikha ang Daigdig, ay ibinatay sa bersiyong English na How the World Begun, nina Ribo at Reyes sa aklat na Philippine Literature. Ang limang kuwentong bayan sa kalipunang ito ay hinalaw naman sa bersiyong English ni Mable Cook Cole sa aklat na Philippine Folk Tales.

Hindi na isinama sa e-Book na ito ang mga bersiyong nakasulat sa English. Layon lamang ng e-Book na makapagbigay aliw sa mga mambabasa. Sa pagsasalin sa wikang Filipino, umaasa rin ang tagasalin na makatutulong ang edisyong ito na mabalikang muli ng mga kabataang Filipino ang mga sinaunang kuwento ng katutubong tribo ng Bukidnon.

Jay M. Pascual


Ang Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay mabibili sa Amazon Kindle Store. Mangyari lamang sundan ang link upang matagpuan ang pahina ng produkto.

Maaaring makabili din sa Google Play sa pamamagitan ng link na ito: Kuwentong Bayan ng Bukidnon sa Google Play.

Monday, January 5, 2015

Ang Kuwentuhang Praybeyt Benjamin-Pnoy, at Kung Bakit Dapat 'Aliwin' ang Masa

Nitong nagdaang araw ay kinapanayam ni Vice Ganda si Pangulong Aquino. Nakaakit ng kapwa papuri at batikos ang panayam na ito. Sa katunayan, naging tampulan nga ito ng usapan sa Facebook at Twitter.

Para sa mga hindi pamilyar sa showbiz ng Filipinas, si Vice Ganda ay isang sikat na komedyante, TV host, at artista. Laksang milyon ang mga tagahanga niya na karamiha'y karaniwang Filipino na kabilang sa masa ng mamamayan.

Bagama't hindi ko napanood ang buong panayam ni Vice sa pangulo, nakita ko naman ang ilang piling clips na ipinalabas sa panggabing balita.

Tunay ngang nakaaaliw ang panayam. Nakakatawa ito, magaan ang usapan, at tila baga ipinapakita ang 'karaniwang mukha' ng pangulo ng Filipinas - nakikipagbiruan, tumatawa, kumakanta, at nakikisabay sa pabirong pambabara.

Sa punto de vista ng PR at pang-masang pakikipagkomunikasyon, isang tagumpay ang panayam na ito. Mahusay ang pagpapakete at nahawakang mabuti ang pakay na ipakita sa madla ang kagaanang loob ng pangulo ng Filipinas.

May mangilan-ngilan akong taong nakausap na nakapanood ng panayam ni Vice Ganda kay Pnoy. Halos lahat sila ay naaliw. Natutuwa silang makita ang 'mukhang nakangiti' ni Pinoy. Sa ganitong reaksiyon pa lamang ay masasabing nagkamit na ng malaking 'poging-puntos' ang pangulo. Tagumpay rin ito ng mga namamahala sa PR ni Aquino.

Subalit bakit nga ba talaga ginawa ang panayam na ito ni Vice kay Aquino? Simple lang naman ang sagot dito: Upang aliwin ang masa ng mamamayang Filipino.

Ang taktika ng pang-aaliw sa mamamayan ay singtanda na ng kasaysayan ng sangkatauhan.

Noong panahon ng kasibulan ng Emperyong Romano, madalas nagdadaos ng pampublikong pagtatanghal ang Emperador ng Roma sa Koloseyum. Umaangkat pa ang mga Romano ng alipin upang ipakin sa mga mababangis na hayop.

Ang mga sinaunang Romano rin ang nagpasimuno sa pagtatanghal ng mga labanan upang gawing aliwan. Noon ay nagtatagisan ng lakas hanggang kamatayan ang mga gladiator.

Tuwang-tuwa naman ang mga mamamayan ng Emperyo sa ganitong mga palabas. Naaaliw sila at puspos na nagpapasalamat pa sa kanilang Emperador.

Noon namang panahon ng Middle Ages ay may mga pa-torneo ang iba't-ibang kaharian na pinagbibidahan ng mga de-kabayong Knights.

Sa modernong praktika ng pang-aaliw sa mamamayan, tumampok na ang paggamit ng mass media. Itinatanghal na sa mga sinehan at telebisyon ang mga nakaaaliw na palabas. May mga boksing, MMA, wrestling, basketbol, at iba't-ibang uri ng timpalak palakasan.

Aliw na aliw ang mga tao sa mga palabas na ito.

Sa Estados Unidos halimbawa, makailang beses naging bisita si Pangulong Barack Obama sa mga panggabing palabas na komedi. Kinakapanayam siya ng mga komedyanteng komentarista.

Aliw na aliw din ang mga Amerikano sa ganitong palabas.

At heto nga si Vice Ganda, isang komedyante, isang artistang kilala bilang Praybeyt Benjamin, nagpapatawa, nang-aaliw. Kinapanayam niya si Aquino sa isang pag-uusap na mistulang simpleng huntahan lamang o kuwentuhan ng dalawang magkaibigan.

Patok na patok at bentang benta ang palabas na ito sa mamamayan. Naaliw at tumawa ang masang Filipino.

At bakit nga ba kailangang aliwin ang masa ng mamamayan? Bakit kailangan silang patawanin? Lantad na lantad ang dahilan: Pagtakpan ang kabulukan ng pamamahala.

Minsan nang sinabi ni Karl Marx na 'ang simbahan ay nagsisilbing opyo ng masang manggagawa.' Ngayong panahon, kung hihiramin ang kaisipang ito ni Marx, maaaring sabihin na ginagamit na opyo para sa mamamayang Filipino ang kuwentuhang Vice Ganda-Pnoy.

Tinuturukan ng nakaaaliw na palabas ang kamalayan ng mamamayang Filipino upang malimutan nila na ang kanilang pangulo ang naglulublob sa Filipinas sa putik ng kabulukan ng pamamahala.

Pinatawa tayo ni Vice Ganda at Pangulong Aquino upang malimutan ang nagpapatuloy na paglala ng kawalang hanapbuhay sa Filipinas. Upang malimutan na barya-barya pa rin ang sahod ng manggagawa. Upang malimutan na tumaas na pala ang pamasahe sa MRT at LRT. Upang malimutan ang kriminal na kapabayaan ng gobyerno ni Aquino sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Sa kabuuan, ang taktika ng pang-aaliw ay taktika ng panunupil sa mamamayan. Isa itong marahas na taktika na binalutan ng minatamis na suman na may halo pang ube at leche flan.

Ang taktika ng pang-aaliw, ang nakakatawang panayam ni Vice kay Pnoy ay pormalinang nagnanais sumagka sa galit ng mamayan.

Hindi ito nakakatawa.