Sunday, January 3, 2016

Walang Pamagat na Tula ni George Calaor



I

Siya na plauta, siya na lagi kong inibig.
Siya na alaala ng tubig, sa uhaw kong isip.
Ang lunggati ng lunggati,
Ang samyo ng siphayo.
Siya na Hininga ng bukangliwayway,
Alaala ng kasaganahan ng ginapas na palay.
Usok ng piging ng alaalang 'di magmaliw.
Siya ang lahat ng kailanman,
Na hindi kailanman magiging ngayon.
At nauunawaan ko ang mga tala,
Sa kanilang kalungkutan.

II

Kumusta na si Chairman Gonzalo at Commander Zero?
Nagising na ba sila sa pagkakahimbing sa hardin?
Tagay para kay Amado Guerrero!
Tagay para kay Armando Liwanag!
Pero huwag kalilimutan-
Isang marangyang tagay para kay Dagohoy,
At sa isangdaan taon niyang pag-aaklas!
Naalala ko si Hikmet, Neruda, at Uncle Ho-
Isang marangyang piging sila ng pag-aalay sa sarili.

Sinta,
Hayaan akong magtampisaw sa Ilog Lena
At tumula nang may asupre sa bibig,
Asero sa dibdib,
At may pagpaslang sa panaginip.
Pagdaka'y babagtasin ang daan papuntang Yenan,
Inaawit ang iyong pangalan na tila hibang.
Naaalala ang mga baywang na iyan,
Ang mga baywang,
Na hinahaplos sa bukangliwayway.

III

Pagkatapos ng Rebolusyon,
Sa panahon ng Rekonstruksiyon,
Nariyan ka pa kaya?
Maaalala mo pa kaya tayong dalawa?
Mga manlalakbay ng malay,
Mga pangahas ng bukas?

-- George Tumaob Calaor