Monday, November 27, 2017

HAIKUS

PAIN

Like a lash, it hits.
Tearing flesh from anguished soul.
And I cried, red blood.

MELANCHOLY

On a night like this.
When darkness embraces me.
I long for moonlight.

LEAVING

Shall I say, farewell.
To the petals of my dreams.
And drift with the wind?

Jay M. Pascual
November 27, 2017

Wednesday, June 28, 2017

Higit sa Lahat, Maglingkod sa Bayan

(Talumpating binigkas sa okasyong Tribute to Parents ng College of Forestry and Environmental Science, Central Mindanao University, Maramag Bukidnon, Hunyo 18, 2017)

Ang araw na ito ay okasyon upang bigyang papuri ang mga magulang. Ang mga nanay, mga tatay, at guardians na naglaan ng kanilang panahon, pagmamahal, at pag-aalaga upang masiguro na magkaroon ng magandang edukasyon ang ating mga anak.

In behalf of the parents present now, malugod naming tinatanggap ang pagkilalang ito.
Pagkakataon na rin ang okasyon ngayon upang magpasalamat sa mga mahuhusay na propesor ng kolehiyong ito. Sa mga panahong hindi natin kasama ang ating mga anak, ang mga propesor -- ang mga dalubguro ng kolehiyo ang nagsilbing ikalawang magulang.

Sila ang naghubog sa ating mga anak mula sa pagiging mga batang jejemon nang unang pumasok sila sa unibersidad, at ngayon nga’y maituturing na rin na mga eksperto sa kani-kanilang larangan.
Ngunit higit sa lahat, ang tunay na bida sa okasyong ito ay kayong mga graduates. Sa inyo ang tagumpay.

Subalit ang graduation ay simula pa lamang. Lalabas na kayo ng unibersidad at haharapin ang mga tunay na hamon ng buhay.

Bilang mga Iskolar ng Bayan, tandaan ninyo sana na ang inyong obligasyon ay di lamang pansarili o pampamilya.

Gamitin ninyo ang talino at kasanayan upang paglingkuran ang sambayanan. To Serve the People, that should be foremost in your minds when you pursue your careers.

Sa huli, gusto kong ipaalaala sa inyo ang sinabi ng bayaning si Emilio Jacinto, na tulad ninyo ay isa ring kabataan na punong-puno ng idealismo. Ang paalaala niya sa atin ay ganito:

“Ang halaga ng isang tao ay wala sa kapangyarihan; wala sa tangus ng ilong o puti ng balat; wala sa pagkabanal, wala sa yaman, o posisyon sa pamahalaan. Ang tunay na mahalaga ay iyong may magandang asal, may isang salita, may dangal at puri, iyong hindi nagpapaapi at hindi nang-aapi, at iyong marunong magdamdam at may malasakit sa bayang tinubuan.”

Maraming Salamat po.

Jay M. Pascual
Hunyo 18, 2017

IMG_0865

Tuesday, March 21, 2017

Para sa aking Naneng, salamat.

Linggo ng gabi nang huli kitang makita. Ginupo na ng sakit ang iyong dating sigla. Ang yayat mong katawan ay mistulang kandilang nauupos; umaandap sa pakikipaglaban sa kumakalat na dilim.

Buong tatag kong ibinubulong sa iyo ang himig ng pagmamahal. Batid ko kasing naririnig mo pa rin ako, at nag-aalala sa aking kalagayan. Palagi ka naman kasing nag-aalala. Katangian mo na ang maging maaalalahanin. Tinangka kong ipanatag ka, kahit man lamang sa huling sandali ng iyong buhay, upang mayakap mo nang payapa ang liwanang na naghihintay sa dulo ng karimlan.

Bago ako magpaalam ay isang mapait na luha ang nangilid sa aking mata. Pilit ko iyong iwinaksi. Nais ko kasing maghiwalay tayo nang may giliw, nang masaya… katulad noong tayo’y magkasama pa.

Kasabay sa pagputol ng bidyo sa telepono ay ang ragasa ng laksang hinagpis. Iyon na ang huli nating pagkikita. Iyon na ang huli kong pakikipag-usap sa iyo.

At bago maghating-gabi, ilang oras matapos kitang makita, ay iniwan mo na kami. Alam kong magiging maligaya ka sa iyong patutunguhan. Naghihintay doon ang iyong mga magulang at kapatid. Ang paglisan mo ay pagluluksa sa lupa subalit pagsasaya rin ito sapagkat makadadalo ka na sa piging na walang hanggan.

Pilit kong binubura sa isipan ang larawan ng iyong pagkakaratay. Ayaw kong alalahanin ka sa ganoong kalagayan. Nais kong manatili sa aking alaala ang mga panahong larawan ka nang sigla, sigasig, at saya.

Tulad noong tinuturuan mo pa akong magbasa ng abakada gamit ang isang polyetong nabili natin sa bayan. Pauupuin mo ako sa ibabaw ng mesa habang buong ingat mong binubuklat ang mga pahina upang ipakita sa akin ang mga larawan doon. Buong tiyaga mong iniisa-isa ang mga titik hanggang makabisa ko ang alfabeto.

Minsan nga’y hindi ko mapigilan ang maghikab habang ika’y nagtuturo. Buong giliw mo naman akong kakargahin, ihihiga sa kutson, at hahayaan nang matulog. Pagmulat ng mata ko’y ikaw agad ang hanap. Lagi at lagi’y nariyan ka sa aking tabi. Papahiran mo ng basang bimpo ang natuyong laway sa aking pisngi, paliliguan ako ng pulbos gamit ang alpombra, at tayo’y mananaog na upang magminandal ng tinapay, minatamis, tsokolate, o gatas. Napakasaya ko sa mga oras na iyon. Ihinihilig ko ang aking ulo sa iyong balikat upang magpasalamat at lubos na damhin ang ipinagkaloob na kalinga.

Kaya naman ayaw kong mawalay sa iyo noon. Bumibiyahe tayo sa malalayong lugar at sumasakay sa bus na may kahoy na upuan at kahoy na bintana. Ipinapasyal mo ako sa mga naglalakihang tindahan na may malamig na pasilyo. Kumakain tayo ng sorbetes, popcorn, siopao, at mami. Bibilhan mo ako ng mga laruan, maliliit na kotse, mga eroplanong umiilaw, at marami pang iba. Pagkadaka’y uuwi na tayo na masayang-masaya, tangan-tangan mo ang munti kong kamay habang nakayapos ako sa iyong bisig.

Ganoon ka naman palagi, mapagbigay. Masaya ka na kung nakikita mong masaya ako sa mga handog mong regalo. Tatalon ako sa tuwa sa tuwing ika’y dumarating sapagkat alam kong may espesyal kang dala para sa akin. LIliwanag ang iyong mukha kapag narinig mo ang aking tili ng pagkagalak. Mistulang sinag iyon ng bukangliwayway na lumalatay sa nabubuhay na umaga.

HIgit walong dekada kang nanatili sa piling namin. Kalakhan noon ay inilagak mo sa pagbibigay; sa pag-aaruga sa akin, sa amin, sa iyong mga pamangkin, sa iyong mga apo. Anong higit pang pagbibigay kundi ang pagbibigay sa sarili -- ang paggugol sa iyong panahon upang kalingain ang mga musmos na isip nang sa gayo’y lumaki kaming mabuting nilalang.

Ngayon nga’y lumisan ka na. Tutungo ka na sa hardin ng pangarap. Madalas na maikuwento mo sa akin noon ang tungkol sa langit. Ang sabi mo, lahat ay masaya sa langit. Naliligiran ito ng mga bulaklak, may malalawak na damuhan, at ang mga tao’y palaging nakangiti. Natutuwa akong nariyan ka na. Nariyan ka na sa lugar ng luwalhati. Malaya sa sakit, malaya sa pighati.

Para sa aking Naneng, salamat.

Wednesday, January 25, 2017

Bagong Bonnet Gang

Naging bantog sa barangay
ang ginawang pagsalakay
ng kinatatakutang
Bonnet Gang.

Bahay ni Mang Igan,
nilimas ang laman.
Walang pinatawad,
ultimong kalendaryong hubad.

Matinding ligalig
ang bumalot sa paligid.
Usap-usapan ng mga ka-barangay,
mga kawata’y muling sasalakay.

At nagdilang anghel nga,
ang mga matabil ang dila.
Sa amin ay bumuluga,
isa na namang balita.

Sa dampa ni Mang Kadyo
sa gilid ng estero,
narinig ang mga putok,
isa, dalawa, tatlo.

Mga tambay nagpulasan,
animo’y sinisilihan.
Sila’y naghiyawan,
“Bonnet Gang! Bonnet Gang! ‘Ayan na naman.”

Mga tao’y nagkumpulan,
sa pag-uusyoso’y nag-unahan.
At kanilang nasaksihan,
palahaw ng kawawang nilalang.

Ang asawa ng matandang Kadyo,
sapo-sapo ang sumabog na bungo.
Naghahalo ang laway at dugo,
Habang sinisigaw ang alboroto.

“Naka-bonnet sila, naka-bonnet sila!
Binalya pintuan naming nakasara.
‘Pulis kami, pulis kami, anila.
Sabay dakma kay Kadyong tulog na.”

“Hinila nila ang asawa ko.
Ako nama’y tinutukan ng kuwarenta’y singko.
Huwag po, huwag po, sabi ng Kadyo.
At pumutok na po, isa dalawa tatlo.”

Ang sabi ni Kapitan,
si Kadyo daw ay nasa listahan.
“Hindi iyon Bonnet Gang.
Pawang mga naka-bonnet lang.”

Di pa man natutuyo
ang sumargong dugo.
sumalakay na naman,
ang mga naka-bonnet na nilalang.

Doon sa may tambakan.
Sa bahay ng mag-amang Juan.
Narinig ang mga putukan.
At bumulagta dalawang katawan.

Si Juan daw ay nasa listahan
at nadamay lamang
ang bunsong walang muwang
habang sila’y naghahapunan.

“Huwag kayong mag-alala,”
sabi ng Kapitang dakila.
“Hindi iyon Bonnet Gang.
Pawang mga naka-bonnet lang.”

“Matulog kayo nang mahimbing.
Wala nang magnanakaw sa atin.
Walang dapat alalahanin,
payapa ang barangay natin.”

Matapos niya itong sabihin,
umuwi na ang Kapitan namin.
Tatlong araw siyang nawala.
Nang makita’y may balot na ang mukha.

Wala na daw ang Bonnet Gang.
Pinalitan lang ito ng mga naka-bonnet lang.

 

--Jay M. Pascual, Enero 24, 2017