Siyam sa bawat sampung Filipino ay palaging kapos sa pera. Dahil umano ito sa kahinaan ng nakararaming Pinoy na mag-plano ng pinansiya. Financial planning, ika nga; o di kaya'y budget management. Ito ang headline sa diyaryo na nabasa ni Ambo habang naghihintay ng masasakyan papunta sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Si Ambo ay kontraktuwal na manggagawa sa isang pabrika ng garments sa Maynila. Sumasahod siya ng 350 piso kada araw. At dahil kontraktuwal, no-work no-pay ang kaniyang sitwasyon. Naengganyo si Ambo na basahin ang artikulong kaniyang nakita sa diyaryo. Dama niya kasi ang binabanggit sa headline -- kapos lagi ang pinansiya ng kaniyang pamilya sa bawat buwan. Kailangan pa niyang mangutang o bumale upang maitawid ang isang buong buwan. Kaya naman masusi niyang binasa ang artikulo upang malaman ang maaaring solusyon sa kaniyang problema. Gaya nga ng nabanggit sa headline, mayor na salik daw sa pagiging kapos sa pananalapi ay ang kawalang kaalaman sa pagpaplano ng pinansiya. Gust...