Dangan at usong-usong pag-usapan ngayon ang tungkol sa bus sa Maynila, minabuti kong halukayin ang aking baul. Naalaala ko kasi, mayroon akong isang tula dati tungkol sa bus.
Nang ako'y nagta-trabaho noon sa Maynila, madalas akong sumakay sa mga bus sa Edsa. Ayaw ko sa MRT, siksikan. Minsan ay mamalasin ka pang makadikit ang isang may malakas-lakas na power. Kaya bus na lang ako.
Subalit hindi aircon na bus ang aking sinasakyan noon, gaya ng bus na nakita ng buong mundo na nagkalasog-lasog dahil sa pangmamaso ng MPD SWAT. Ordinary ang paborito kong sakyan dahil mura ang pasahe. Hindi lang mura, pwede ka pang magmeryenda habang bumibiyahe dahil halos lahat ng street vendor ay nakaaakyat sa mga ordinary na bus.
Subalit para lamang sa may malalakas na sikmura ang ordinary na bus. Kapag sumakay ka sa ordinary, mamumulbos ka ng usok at alikabok; libre iyon. Kapag nakauwi ka na galing sa biyahe ay limahid ka na. Okay lang sa akin iyon dahil mura nang di hamak ang pamasahe sa ordinary.
Kaya nagawan ko ito ng isang maikling tula. At kagaya ng walang kaarte-arteng hubog ng isang ordinaryong bus, pinamagatan ko itong tula na ORDINARY.
"ORDINARY"
Masdan ang karuwaheng
ataul sa paglalakbay.
Karosang gusgusin at limahid,
sasakyang pangako ng mga bangkay.
Gumagapang sa kahabaan
ng purgatoryong trapiko.
Nagsusuka ng dalisay na lasong
utot ng tambutso.
Sepulturero ng manibela
bilis-bilisan ang pag-martsa.
Sapagkat mga pagal na kaluluwa,
nais nang mamahinga...
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento