Introduksiyon
UPDATE: Ang librong Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay maaari nang
mabili sa lokal na online shop ng JMP Creative Media. Sundan lamang ang
link na ito: BUY NOW: MGA KUWENTONG BAYAN NG BUKIDNON.
Ang pagbabasa ng mga katutubong kuwentong bayan ang isa sa pinakamabisang paraan upang maunawaan ang kultura ng isang bansa. Ayon kay William Bascom, isang kilalang Amerikanong kuwentista at antropolohista, ang mga kuwentong bayan ay salamin ng mga katutubong kaugalian, tradisyon, ritwal, at kultura. Nilalaman ng mga katutubong kuwento ang buod ng pagkatao ng isang partikular na grupo sa lipunan.
Ang paglalathala ng e-Book na ito ay isang pagtatangka na maibahagi sa buong daigdig ang ilang piling kuwentong bayan ng tribung Bukidnon sa Hilagang Mindanao, sa wikang madaling maintindihan ng kabataang Filipino. Sa gayon, magiging mas nakaaaliw ang kanilang pagbabasa.
Marami na ang nalimbag na mga kuwentong bayan ng tribung Bukidnon. Subalit kadalasan, ang mga kuwento ay nakasulat sa wikang English. Tampok sa mga aklat na ito ang kalipunang binuo ni Mable Cook Cole, ang Philippine Folk Tales, na nalathala sa Chicago, USA noong taong 1916.
Limang kuwento sa e-Book na ito ay nagmula sa aklat ni Cole at isinalin sa wikang Filipino upang mapakinabangan at mapag-aralan ng mga kabataang Filipino.
Isa pang mahalagang koleksiyon ng mga popular na kuwentong bayan sa Filipinas ay binuo naman ni Dean S. Fansler. Ang libro ni Fansler ay pinamagatang Filipino Popular Tales na inilathala ng American Folk-Lore Society sa New York, USA noong taong 1921.
Nasusulat rin sa wikang English ang kuwentong bayan ng tribung Bukidnon hinggil sa paglikha ng daigdig. Ang kuwentong How the World Begun - A Popular Bukidnon Folktale Retold, ay kasama sa aklat na Philippine Literature nina Lourdes M. Ribo at Linda D. Reyes.
Natatangi naman ang manuskrito ni Michelle V. Datuin ng Mindanao State University - Iligan Institute of Technology (MSU-IIT). Ang likha ni Datuin ay pinamagatang Pagsasalin sa Filipino ng mga Piling Kwentong Bayan ng Tribung Bukidnon para Instruksyunal Materyal. Matatagpuan ang koleksiyong ito sa School of Graduate Studies ng MSU-IIT.
Tanging ang manuskrito lamang ni Datuin ang nagtangkang maglahad ng mga kuwentong bayan ng tribung Bukidnon sa wikang Filipino.
Kamakailan lamang ay nilathala ng Kitanglad Integrated NGOs ang serye ng mga Komiks na naglalaman ng mga katutubong tradisyon ng tribung Bukidnon. Inilunsad sa publiko ang serye ng mga Komiks noong Mayo 2013. Binubuo ang serye ng apat na bolyum: 1) Bukidnon tale of creation; 2) Traditional Marriage practices of the Bukidnon Tribe in Mt. Kitanglad; 3) Maternal and Child Care; 4) Responsible Parenthood.
Ang mga Komiks na nabanggit ay nakasulat sa wikang Binukid, ang katutubong wika ng tribung Bukidnon, at mayroong katumbas na salin sa wikang English.
English pa rin ang wikang ginamit sa pagsasalin. Wala namang masama kung pangunahing nasa wikang English ang pagsasalin ng mga katutubong kuwento at tradisyon ng tribung Bukidnon. Subalit magiging mas mayaman ang kultura ng Filipinas kung ang mga katutubong kuwento ay maisasalin sa wikang Filipino. Dagdag pa, mas madaling maiintindihan ng mga mamamayan kung ang mga kuwentong bayan ay nakasulat sa sariling wika.
Ang mga ito ang pangunahing dahilan sa pagbuo ng e-Book na inyong binabasa ngayon.
Ang Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay isang independiyenteng pagtatangka na mailarawan ng malinaw ang mga tradisyunal na kuwento ng tribung Bukidnon sa wikang Filipino.
Ang e-Book ay binubuo ng anim na kuwento:
Paano Nilikha ang Daigdig
Paano Nagkaroon ng Buwan at mga Bituin
Ang Malaking Baha
Paano Naging Unggoy ang mga Batang Paslit
Si Magbangal
Si Bulanawan at Si Aguio
Ang unang kuwento, Paano Nilikha ang Daigdig, ay ibinatay sa bersiyong English na How the World Begun, nina Ribo at Reyes sa aklat na Philippine Literature. Ang limang kuwentong bayan sa kalipunang ito ay hinalaw naman sa bersiyong English ni Mable Cook Cole sa aklat na Philippine Folk Tales.
Hindi na isinama sa e-Book na ito ang mga bersiyong nakasulat sa English. Layon lamang ng e-Book na makapagbigay aliw sa mga mambabasa. Sa pagsasalin sa wikang Filipino, umaasa rin ang tagasalin na makatutulong ang edisyong ito na mabalikang muli ng mga kabataang Filipino ang mga sinaunang kuwento ng katutubong tribo ng Bukidnon.
Jay M. Pascual
UPDATE: Ang librong Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay maaari nang mabili sa lokal na online shop ng JMP Creative Media. Sundan lamang ang link na ito: BUY NOW: MGA KUWENTONG BAYAN NG BUKIDNON.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento