Lumaktaw sa pangunahing content

Uri ng Mga Adobo sa Filipinas

Adobo ang isa sa mga pinakapaboritong ulam ng mga Filipino. Ayon sa ilang pananaliksik, ang adobo ay mula sa salitang Kastilang "adobar," na ang ibig sabihin sa Ingles ay "to marinade."

Subalit bago pa man sakupin ng mga Kastila ang Filipinas, nag-aadobo na ang mga Filipino. Dahil lubhang mainit sa bansa at madaling mapanis o mabulok ang mga di-lutong pagkain, natutunan ng mga katutubo na ibabad sa suka at asin ang kanilang pagkain at pagkatapos ay pakukuluan hanggang maluto. Napakatagal ng shelf-life ng mga pagkaing dumaan sa ganitong paraan ng pagluluto.

Ngayon nga ay bantog pa rin ang adobo sa Filipinas at halos bawat rehiyon ay may kani-kaniyang bersiyon nito. Sa kabutihang palad, natikman ko na halos lahat ng iba't-ibang uri ng adobo sa Filipinas at natutunan na rin kung paano ito lutuin.

Adobong Manok / Adobong Baboy / Adobong manok at baboy - Bersiyong Tagalog

Manok o baboy ang karaniwang pangunahing sangkap ng adobo. Minsa'y pinaghahalo ang dalawa para maging "chicken-pork" adobo. Pero para sa akin, adobong manok na yata ang pinakamasarap na pagkain.

larawan ng adobong manok

Adobong manok. Larawan mula sa Wikimedia.org


Tinawag kong adobong Tagalog ito sapagkat natutunan ko itong lutuin sa Bulakan, salamat sa aking Mommy. Madali lang ang paghahanda at pagluluto nito:

Magpitpit ng maraming bawang. Gisahin at ihalo ang manok o baboy sa kawali.  Buhusan ng suka at toyo. Budburan ng pamintang durog. Lagyan ng katiting na bayleaf. Pakuluan o sangkutsahin.

Sa unang kulo, kunin ang sabaw at itabi muna. Lakasan ang apoy ng kalan upang maprito ang manok o baboy sa sariling mantika. Hintayin na maging golden brown at saka ihalong muli ang sabaw. Patuyin hanggang magsarsa na medyo mamantika-mantika.

At kumain ng masarap!

Adobong Visayas

Una kong natikman sa Iloilo ang Adobong Visayas. Tinuruan ako ng aking kaibigan sa pagluluto nito.

Adobong Visayas. Larawan mula sa Wikimedia.Org.


Tinatawag din minsan itong sinangkutsang adobo. Manok o baboy din ang pangunahing sangkap. Mas madali itong lutuin.

Ilagay ang manok o baboy sa kaldero. Buhusan ng suka, toyo, at kaunting tubig. Budburan ng durog na paminta, lagyan ng ilang piraso ng buong paminta at maliit na putol ng laurel. Lagyan ng asukal na pula. Pakuluan.

Habang nagpapakulo, kumuha ng kaunting atsuwete at ibabad sa mainit na tubig. Pigapigain ang atsuwete hanggang magkakulay ang tubig.

Kapag malapit nang maluto ang adobo, ibuhos ang kinulayang tubig mula sa atsuwete. Huwag hayaang matuyo. At kumain ulit ng masarap!

Humba: Ang Adobo ng Mindanao

Una kong natikman ang Humba sa Cagayan De Oro City. Malupit ang adobong ito; sa kapal at linamnam ng taba ay talagang maglalaway ka.

Baboy na may makapal na taba ang pinakamainam na sangkap sa Humba. Masarap ding gamitin ang pata ng baboy. Maaari din itong lutuin sa pressure cooker upang maging malambot ang laman at kapag kinai'y unti-unting matutunaw sa iyong bibig ang taba.

Humba ng Mindanao. Larawan mula sa http://jeansrecipes.com



Paano ito lutuin? Ilagay sa kaldero ang baboy. Buhusan ng toyo, suka, at kaunting tubig. Budburan ng asukal at kaunting paminta. Lagyan ng maraming bawang. Ihalo ang laurel o anise. Haluan ng itim na beans. Pakuluan ng matagal hanggang maluto. Huwag hayaang matuyuan; mas mainam kung masarsa ang Humba.

Ihanda at kumain ng masarap… ulit-ulitin ang pagkain!

Mga Kakaibang Luto ng Adobo

Sa mga paggagala ko sa iba't-bang lugar sa Filipinas, marami na akong nakita at natikmang mga kakaibang uri ng adobo.

Halimbawa, sa Tarlac ay natikman ko ang adobong Camaro, na isang uri ng kuliglig o cricket.

Sa Bicol ay may adobo sa gata; napakaanghang nito. Puting adobo naman ang natikman ko sa isang karinderya sa Masbate.

Samu't-saring adobong gulay naman ang naipatikim sa akin ng mga nakadaupang palad ko sa Capiz, Antique, at Timog Iloilo. Minsan nga ay nakakain pa ako ng adobong tengang-daga (black mushroom) at isang exotic na ibon na inadobo.

Mukhang napahaba ang blog post na ito. Marahil sa susunod ay iisa-isahin ko ang mga kakaibang lutong adobo, kabilang na ang niluto ng aking bunsong anak: Adobong Dulog (Salagubang), nakupo!


Dagdag kaalaman: kung nagnanais matutunan kung paano intindihin ang Nutrition Facts Label, maaaring pag-aralan ang artikulong "Facts on Nutrition Labels - INFOGRAPHIC." Sundan lamang ang link na iyan. Salamat.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon

Introduksiyon UPDATE: Ang librong Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay maaari nang mabili sa lokal na online shop ng JMP Creative Media. Sundan lamang ang link na ito: BUY NOW: MGA KUWENTONG BAYAN NG BUKIDNON.   Ang pagbabasa ng mga katutubong kuwentong bayan ang isa sa pinakamabisang paraan upang maunawaan ang kultura ng isang bansa. Ayon kay William Bascom, isang kilalang Amerikanong kuwentista at antropolohista, ang mga kuwentong bayan ay salamin ng mga katutubong kaugalian, tradisyon, ritwal, at kultura. Nilalaman ng mga katutubong kuwento ang buod ng pagkatao ng isang partikular na grupo sa lipunan. Ang paglalathala ng e-Book na ito ay isang pagtatangka na maibahagi sa buong daigdig ang ilang piling kuwentong bayan ng tribung Bukidnon sa Hilagang Mindanao, sa wikang madaling maintindihan ng kabataang Filipino. Sa gayon, magiging mas nakaaaliw ang kanilang pagbabasa. Marami na ang nalimbag na mga kuwentong bayan ng tribung Bukidnon. Subalit kadalasan, ang mga kuwento ay nakasu...

Mga Tradisyunal na Larong Pambata: Nasaan Na?

Hindi lang pagtatmpisaw sa dagat o swimming pool ang kinasasabikan ng mga kabataan kapag tag-araw. Dahil nga summer at wala nang pasok sa eskuwelahan, inaasam-asam nila ang walang humpay na paglalaro nang halos buong araw. Noong kabataan ko, mga dekada otsenta iyon, naaalala ko pa ang mga karaniwang larong pambata na kinatutuwaan naming magkakapatid at magpipinsan.  Madalas kaming maglaro ng tumbang-preso, taguan-pong, habulan o kampo-kampo, chato, sipa, turumpo, bahay-bahayan, luksong-tinik, luksong baka, chinese garter, at kung minsa’y basketbol o sopbol. Pansinin na halos lahat ng mga larong nabanggit ay may pagka-pisikal. Kailangan maliksi ka, mabilis tumakbo, madiskrate (o magulang din minsan), at kakailanganin mo ang sapat na lakas upang tumagal ka sa laro. Dahil kung lalampa-lampa ka, siguradong mababalagoong ka sa laban. Ikaw ang palaging magiging taya at tampulan ng pambubuska. Ngayon ay tag-araw na naman. Bakasyon na ang mga mag-aaral. Sa panahon ng mga makabagong g...