Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Tradisyunal na Larong Pambata: Nasaan Na?

Hindi lang pagtatmpisaw sa dagat o swimming pool ang kinasasabikan ng mga kabataan kapag tag-araw. Dahil nga summer at wala nang pasok sa eskuwelahan, inaasam-asam nila ang walang humpay na paglalaro nang halos buong araw.

Noong kabataan ko, mga dekada otsenta iyon, naaalala ko pa ang mga karaniwang larong pambata na kinatutuwaan naming magkakapatid at magpipinsan.  Madalas kaming maglaro ng tumbang-preso, taguan-pong, habulan o kampo-kampo, chato, sipa, turumpo, bahay-bahayan, luksong-tinik, luksong baka, chinese garter, at kung minsa’y basketbol o sopbol.

Pansinin na halos lahat ng mga larong nabanggit ay may pagka-pisikal. Kailangan maliksi ka, mabilis tumakbo, madiskrate (o magulang din minsan), at kakailanganin mo ang sapat na lakas upang tumagal ka sa laro. Dahil kung lalampa-lampa ka, siguradong mababalagoong ka sa laban. Ikaw ang palaging magiging taya at tampulan ng pambubuska.

Ngayon ay tag-araw na naman. Bakasyon na ang mga mag-aaral. Sa panahon ng mga makabagong gadgets, kompyuter, at Internet, tila baga unti-unting nababaon sa limot ang mga tradisyunal na larong pambatang nakagisnan ng aming henerasyon.

Dito sa lugar namin ay napakaraming mga bata. Subalit hindi na tradisyunal na laro ang pinagkakaabalahan nila. Kadalasan, haharap sila sa kompyuter o laptop at maglalaro ng video games. Kapag nagsawa, bibisitahin nila ang website na YouTube at manonood ng mga kinaaaliwan nilang bidyo.

Minsa’y naghahabulan o nagtataguan din naman ang mga batang nakikita ko. Ngunit hindi sila nakatatagal sa ganitong uri ng paglalaro. Matapos siguro ang dalawa o tatlong serye ng pagtatayaan ay pagod na sila. Sasalampak na sila sa harap ng telebisyon at manonood ng cartoons sa cable channel.

Kapag nainip sa panonood at wala na silang magawa, tatakbo ang ilan sa malapit na Internet shop at doon maglalaro ng DOTA, Counter Strike, Crossfire, at iba pang mga bagong online games na kadalasa’y giyera ang tema.

Nakalulungkot isipin na sa pagyabong ng mga makabagong uri ng aliwan ay kasabay ring nababaon sa limot ang mga tradisyunal na larong pambata. Hindi ito nalalayo sa paglimot ng maraming kabataan sa mga makabuluhang gawi at kulturang pamana pa ng ating mga ninuno. Sino ba ngayon ang nanghaharana pa? Wala na marahil sapagkat isang text message lang ay makakabolahan mo na ang iyong nililigawan.

Nakalulungkot sapagkat ang mga tradisyunal na larong pambata ay may sariling kakanyahan. May halaga silang naidudulot at naituturo sa mga kabataan. Ang mga larong pambata noong araw ay nagpapalakas ng katawan. Pinauunlad nila ang lusog at liksi hindi lamang ng katawan kundi pati isipan. Bagaman may mga nagsasabi na ang mga makabagong tipo ng aliwan ay may buti ring naidudulot, malayong malayo pa rin sila sa kalidad ng tradisyunal na paglalaro.

Halimbawa sa larong sipa. Nangangailangan ang larong ito ng ekstra-ordinaryong kasanayan at husay upang ikaw ay manalo. Kailangan ng mahusay na koordinasyon ng mata, paa, at balakang upang ang pitsa ng sipa ay hindi malaglag sa lupa. Sa larong ito, halos buong katawan mo ang gumagalaw. Kailangan din ang masidhing konsentrasyon upang hindi mawaglit sa paningin mo ang pitsa. At habang sumisipa ka, kailangan mo na eksaktong matantos ang bilang ng iyong pagsipa.

Ibig sabihin, ang simpleng larong sipa ay magpapatalas ng iyong koordinasyon, talas ng isip, talim ng paningin, at liksi ng pagkilos. Pinauunlad rin nito ang resistensiya ng isang bata upang hindi siya kaagad mapagod. Mahalaga ang mga kasanayang nabanggit sa pagharap ng isang bata sa pang-araw-araw niyang buhay.

Bilis ng isip at husay sa diskarte naman ang maaaring ituro ng larong taguan-pong. Kailangang matuto ang taya na mag-isip kaparehas sa kaniyang mga kalaro upang madali niyang matanto kung saan nagtatago ang mga kalaban. Ang mga nagtatago nama’y kailangan din ng bilis ng isip at kakaibang pagdiskrate upang makakita ng wastong pagtataguan. Tandaan na sa larong ito, binibigyan lamang ng sampusng segundo ang mga kalahok upang makapagtago. Kung maiiwang nakalantad ang isang bata ay siguradong mapo-pong siya.

Estratehiya naman ang kailangan ng larong patintero. Ang mga magkakampi na lulusob sa mga linya ay kailangan ng mahigpit na pagtutulungan. Pisikal ang larong ito. Kailangan ng bilis at liksi. Subalit mas mahalaga sa patintero ang pagkatuto ng mga bata sa konsepto ng pagtutulungan ng pangkat (team work). Kung walang team work ang isang grupo ay hindi sila makalulusot sa mga nagbabantay sa linya. Dagdag pa, matututo rin ang isang bata kung paano lansihin ang kaniyang katunggali sa pamamagitan ng iba’t-ibang pagkilos ng katawan. Koordinasyon din ito ng talas ng isip at liksi ng galaw.

Purong lakas naman ang pinauunlad ng mga larong luksong-baka at habulang kampo-kampo. Samantala, ang larong tumbang preso ay humahasa sa kakayanan ng isang bata sa pag-asinta. Upang mapatumba ang lata sa gitna ng “presuhan,” kailangang matuto ang naglalaro sa wastong paraan ng pagtantiya ng distansiya. Sa pamamagitan ng larong ito, matututo ang isang bata na kalkulahin ang relasyon sa pagitan ng distansiya, anggulo ng target, at lakas ng paghagis. Pansinin na ang mga kasanayang ito ay mga prinsipyo ring ginagamit sa pag-aaral ng pisika.

Sosyolohikal naman ang leksiyon na maaaring maituro sa mga bata kung maglalaro sila ng bahay-bahayan. Sa larong ito, Umaakto ang mga kalahok bilang isang pamilya. May ama, may ina, may mga anak, at minsan ay may iba pang dagdag na tauhan kagaya ng “kumpare” ni “tatay”, ang “kumare” ni “nanay,” ang “siga sa komunidad,” ang “kura-paroko,” ang “pulis” at marami pang ibang makukulay na karakter. Sa pamamagitan ng larong bahay-bahayan natututunan ng mga bata ang mga ispisipikong tungkulin ng bawat tao sa komunidad. Pinauunlad rin ng larong ito ang kaisipang pang-sibiko. At siyempre, natututo ng tamang pakikisalimuha ang mga bata kapag umaarte na silang parang matatanda.

Hindi masama ang pagkakaroon ng makabago at modernong uri ng aliwan. Imposible kasing itatwa at ipagkait sa mga bata ang bagong teknolohiya na namamayagpag ngayon sa lipunan. Ang nakalulungkot lamang ay ang unti-unting pagbaon sa limot ng mga tradisyunal na paglalaro. Nawawala na sila sa kamalayan ng mga kabataan ngayon. Kasama na ring naibabaon sa limot ang panlipunang kahalagahan ng mga tradisyunal na porma ng pag-aaliw.

Para sa mga magulang na katulad ko, at sa mga lolo at lola na rin, mahalaga na mabigyan natin ng panahon ang mga bata at maituro sa kanila ang mayayamang pamana ng nakaraan. Makipaglaro tayo sa mga bata at ipakilala muli sa kanila ang ating mga nakagisnang laro.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon

Introduksiyon UPDATE: Ang librong Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay maaari nang mabili sa lokal na online shop ng JMP Creative Media. Sundan lamang ang link na ito: BUY NOW: MGA KUWENTONG BAYAN NG BUKIDNON.   Ang pagbabasa ng mga katutubong kuwentong bayan ang isa sa pinakamabisang paraan upang maunawaan ang kultura ng isang bansa. Ayon kay William Bascom, isang kilalang Amerikanong kuwentista at antropolohista, ang mga kuwentong bayan ay salamin ng mga katutubong kaugalian, tradisyon, ritwal, at kultura. Nilalaman ng mga katutubong kuwento ang buod ng pagkatao ng isang partikular na grupo sa lipunan. Ang paglalathala ng e-Book na ito ay isang pagtatangka na maibahagi sa buong daigdig ang ilang piling kuwentong bayan ng tribung Bukidnon sa Hilagang Mindanao, sa wikang madaling maintindihan ng kabataang Filipino. Sa gayon, magiging mas nakaaaliw ang kanilang pagbabasa. Marami na ang nalimbag na mga kuwentong bayan ng tribung Bukidnon. Subalit kadalasan, ang mga kuwento ay nakasu...

Forced Haircut in Schools is Corporal Punishment

Forced Haircut in Schools is Corporal Punishment (Why This Policy Is Unjust and Violates Basic Child Rights) Valencia City, BUKIDNON.  The Department of Education (DepEd) has a long-standing policy that governs good grooming. This includes prescribing a so-called proper haircut for male pupils in both private and public schools.  According to Undersecretary Yolanda Quijano, “the prescribed haircut for boys is at least one inch above the ear and three inches above the collar line.” Schools under the supervision of DepEd are required to follow such standard. Unfortunately, this “haircut policy” has no clear implementing guidelines.  As a general practice, school principals and administrators have the authority to define their own sets of rules on how to implement the policy, including the enforcement of disciplinary actions on erring pupils.

Untitled I

It's not about knowing you when we were there, wandering, in gardens of youthful freedom. What matters is that I've known you, as you are. It's not about seeing you transformed in full splendor palpably radiant and  blinding mortal  eyes. What matters is that I’ve seen you, as you are. It’s not about hearing you, angelic rhythm of imagined voices  wallowing in bitter-sweet laughter. What matters is that I’ve heard you, as you are. It is not about touching you in the deepest  recesses of your uncharted nakedness, utterly lost  in the celebration  of your beauty and passion. What matters most is that I’ve touched you, as you are. It is not about feeling your stormy thoughts and calm contemplations though these are far constellations reached only by stellar signals. What matters most is that I’ve felt you, as you are. ‘Tis not about loving you, sweet rose-p...