Nitong nagdaang araw ay kinapanayam ni Vice Ganda si Pangulong Aquino. Nakaakit ng kapwa papuri at batikos ang panayam na ito. Sa katunayan, naging tampulan nga ito ng usapan sa Facebook at Twitter.
Para sa mga hindi pamilyar sa showbiz ng Filipinas, si Vice Ganda ay isang sikat na komedyante, TV host, at artista. Laksang milyon ang mga tagahanga niya na karamiha'y karaniwang Filipino na kabilang sa masa ng mamamayan.
Bagama't hindi ko napanood ang buong panayam ni Vice sa pangulo, nakita ko naman ang ilang piling clips na ipinalabas sa panggabing balita.
Tunay ngang nakaaaliw ang panayam. Nakakatawa ito, magaan ang usapan, at tila baga ipinapakita ang 'karaniwang mukha' ng pangulo ng Filipinas - nakikipagbiruan, tumatawa, kumakanta, at nakikisabay sa pabirong pambabara.
Sa punto de vista ng PR at pang-masang pakikipagkomunikasyon, isang tagumpay ang panayam na ito. Mahusay ang pagpapakete at nahawakang mabuti ang pakay na ipakita sa madla ang kagaanang loob ng pangulo ng Filipinas.
May mangilan-ngilan akong taong nakausap na nakapanood ng panayam ni Vice Ganda kay Pnoy. Halos lahat sila ay naaliw. Natutuwa silang makita ang 'mukhang nakangiti' ni Pinoy. Sa ganitong reaksiyon pa lamang ay masasabing nagkamit na ng malaking 'poging-puntos' ang pangulo. Tagumpay rin ito ng mga namamahala sa PR ni Aquino.
Subalit bakit nga ba talaga ginawa ang panayam na ito ni Vice kay Aquino? Simple lang naman ang sagot dito: Upang aliwin ang masa ng mamamayang Filipino.
Ang taktika ng pang-aaliw sa mamamayan ay singtanda na ng kasaysayan ng sangkatauhan.
Noong panahon ng kasibulan ng Emperyong Romano, madalas nagdadaos ng pampublikong pagtatanghal ang Emperador ng Roma sa Koloseyum. Umaangkat pa ang mga Romano ng alipin upang ipakin sa mga mababangis na hayop.
Ang mga sinaunang Romano rin ang nagpasimuno sa pagtatanghal ng mga labanan upang gawing aliwan. Noon ay nagtatagisan ng lakas hanggang kamatayan ang mga gladiator.
Tuwang-tuwa naman ang mga mamamayan ng Emperyo sa ganitong mga palabas. Naaaliw sila at puspos na nagpapasalamat pa sa kanilang Emperador.
Noon namang panahon ng Middle Ages ay may mga pa-torneo ang iba't-ibang kaharian na pinagbibidahan ng mga de-kabayong Knights.
Sa modernong praktika ng pang-aaliw sa mamamayan, tumampok na ang paggamit ng mass media. Itinatanghal na sa mga sinehan at telebisyon ang mga nakaaaliw na palabas. May mga boksing, MMA, wrestling, basketbol, at iba't-ibang uri ng timpalak palakasan.
Aliw na aliw ang mga tao sa mga palabas na ito.
Sa Estados Unidos halimbawa, makailang beses naging bisita si Pangulong Barack Obama sa mga panggabing palabas na komedi. Kinakapanayam siya ng mga komedyanteng komentarista.
Aliw na aliw din ang mga Amerikano sa ganitong palabas.
At heto nga si Vice Ganda, isang komedyante, isang artistang kilala bilang Praybeyt Benjamin, nagpapatawa, nang-aaliw. Kinapanayam niya si Aquino sa isang pag-uusap na mistulang simpleng huntahan lamang o kuwentuhan ng dalawang magkaibigan.
Patok na patok at bentang benta ang palabas na ito sa mamamayan. Naaliw at tumawa ang masang Filipino.
At bakit nga ba kailangang aliwin ang masa ng mamamayan? Bakit kailangan silang patawanin? Lantad na lantad ang dahilan: Pagtakpan ang kabulukan ng pamamahala.
Minsan nang sinabi ni Karl Marx na 'ang simbahan ay nagsisilbing opyo ng masang manggagawa.' Ngayong panahon, kung hihiramin ang kaisipang ito ni Marx, maaaring sabihin na ginagamit na opyo para sa mamamayang Filipino ang kuwentuhang Vice Ganda-Pnoy.
Tinuturukan ng nakaaaliw na palabas ang kamalayan ng mamamayang Filipino upang malimutan nila na ang kanilang pangulo ang naglulublob sa Filipinas sa putik ng kabulukan ng pamamahala.
Pinatawa tayo ni Vice Ganda at Pangulong Aquino upang malimutan ang nagpapatuloy na paglala ng kawalang hanapbuhay sa Filipinas. Upang malimutan na barya-barya pa rin ang sahod ng manggagawa. Upang malimutan na tumaas na pala ang pamasahe sa MRT at LRT. Upang malimutan ang kriminal na kapabayaan ng gobyerno ni Aquino sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Sa kabuuan, ang taktika ng pang-aaliw ay taktika ng panunupil sa mamamayan. Isa itong marahas na taktika na binalutan ng minatamis na suman na may halo pang ube at leche flan.
Ang taktika ng pang-aaliw, ang nakakatawang panayam ni Vice kay Pnoy ay pormalinang nagnanais sumagka sa galit ng mamayan.
Hindi ito nakakatawa.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento