Nainis ako sa panonood ng ikatlong araw ng paglilitis ng impeachment court hindi dahil sa angas ni Cuevas o sa pagkamali-mali ng prosekusyon. Nainis ako dahil sa isang maikling komento ni Senador Jinggoy Estrada. Dangan naman kasi, magpi-Filipino lang, hihingi pa ng paumanhin. Ani Estrada, “humihingi po ako nang paumanhin, dahil magsasalita ako sa sarili nating wika...” Bakit? Nakakahiya bang magsalita ng Filipino kaya dapat humingi ng paumanhin? Mababawasan ba ang bigat ng iyong opinyon kung Filipino ang wikang gamit? Magmumukha ka bang tanga kung nagpi-Filipino ka? Bakit kailangan mong mag-sorry, nakaiintindi naman kami ng Filipino. Pinoy naman ang mga kausap mo, kaya wala kang dapat ipagpaumanhin. Sa katunayan, dapat kang magmalaki Ginoong Estrada dahil ginagamit mo ang sariling wika.