Una kong narinig ang komposisyong ito mahigit isang dekada na ang nakalipas. Ipinalabas noon sa telebisyon ang pelikulang Il Postino. Ala-una ng madaling araw iyon at natapos ko ang palabas nang hindi man lamang ako dinapuan ng antok.
Ang saliw ng musika ng Il Postino ay tila ba yumayakag sa akin na umidlip subalit ang kurot ng mga himno nito ay tumatagos sa puso, tila manipis na pisil ng malamyang kuko na nagdudulot nang hindi maipaliwanag na mga damdamin. Ang mumunting sakit na idinulot ng musika, bagaman nasa larangan lamang ng imahinasyon, ay mistulang mga patak ng dayap na unti-unting dumadaloy sa isang malalim na sugat. Kaya naman nanatili akong gising tulad ng prinsipeng lumaban sa mistikal na awit ng ibong adarna.
Matapos ang higit isang dekada, ganoon pa rin ang hampas sa gunita ng mga saliw ng musikang ito. Matamis at kaaya-aya subalit may kirot na hindi mahinuha...
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento