Nainis ako sa panonood ng ikatlong araw ng paglilitis ng impeachment court hindi dahil sa angas ni Cuevas o sa pagkamali-mali ng prosekusyon. Nainis ako dahil sa isang maikling komento ni Senador Jinggoy Estrada. Dangan naman kasi, magpi-Filipino lang, hihingi pa ng paumanhin. Ani Estrada, “humihingi po ako nang paumanhin, dahil magsasalita ako sa sarili nating wika...”
Bakit? Nakakahiya bang magsalita ng Filipino kaya dapat humingi ng paumanhin? Mababawasan ba ang bigat ng iyong opinyon kung Filipino ang wikang gamit? Magmumukha ka bang tanga kung nagpi-Filipino ka? Bakit kailangan mong mag-sorry, nakaiintindi naman kami ng Filipino. Pinoy naman ang mga kausap mo, kaya wala kang dapat ipagpaumanhin. Sa katunayan, dapat kang magmalaki Ginoong Estrada dahil ginagamit mo ang sariling wika.
Maaaring maraming magtaas nang kilay dahil binigyang pansin ko pa ang komento ni Estrada. “What’s the big deal,” ika nga. Subalit napakalaking bagay ng ganitong uri komento dahil may implikasyon ito sa pagtingin natin sa wikang Filipino. Higit sa lahat, hindi lamang unang beses nangyari ito sa Senado. Matatandaan na medyo nabalisa o nahiya si Senador Lapid (a.k.a.Leon Guerrero) na makibahagi sa debate higgil sa RH Bill dahil hindi siya makapag-ingles. Nag-atubili siyang tumayo at magsalita dahil Filipino lang ang alam ng kaniyang dila. Ibabalik ko ang tanong: magmumukha ka bang tanga kung nagpi-Filipino ka? Hindi naman, di ba? Susmaryahosep! Mag-Filipino kayo nang kayo’y maintindihan ng mamamayan, iyon ang mahalaga.
Malalim ang dahilan kung bakit marami sa Filipino ang atubili o nahihiyang magsalita ng sariling wika lalo na sa mga pormal na pagtitipon. Itinuturing kasi na ang Filipino ay isang hindi intelektuwalisadong wika. Aminin man natin o hindi, segunda klase ang turing sa wikang Filipino kung itatapat ito sa wikang ingles. Kapag matatas kang mag-ingles, ang husay mo. Ang taas nang pinag-aralan mo. Ang tali-talino mo. “In na In” ka. Kung nagpi-Filipino ka naman, okey, ang galing mong mag-Filipino... ‘yun lang. Wala itong kaakibat na intelektuwalisasyon.
Panahon nang baguhin natin ang pagtingin sa sariling wika. Kung pinahahalagahan natin ang ating kalayaan bilang isang nagsasariling bansa, marapat lamang na pahalagahan natin ang sariling wika. Huwag kang mag-sorry kung magpi-Filipino ka. Magmumukha ka lang tanga.
Tama! Tayong Pinoy lang ang ganito. Westernized na kasi tayo. Guilty rin ako dito pero hindi dahil nahihiya ako but because iyon ang ating nakalakihan. Hay.
TumugonBurahinMatagal kasing nakondisyon ang marami sa atin na 'cool' mag-ingles. Salamat sa pagbisita sa blog.
Burahin