Naging bantog sa barangay
ang ginawang pagsalakay
ng kinatatakutang
Bonnet Gang.
Bahay ni Mang Igan,
nilimas ang laman.
Walang pinatawad,
ultimong kalendaryong hubad.
Matinding ligalig
ang bumalot sa paligid.
Usap-usapan ng mga ka-barangay,
mga kawata’y muling sasalakay.
At nagdilang anghel nga,
ang mga matabil ang dila.
Sa amin ay bumuluga,
isa na namang balita.
Sa dampa ni Mang Kadyo
sa gilid ng estero,
narinig ang mga putok,
isa, dalawa, tatlo.
Mga tambay nagpulasan,
animo’y sinisilihan.
Sila’y naghiyawan,
“Bonnet Gang! Bonnet Gang! ‘Ayan na naman.”
Mga tao’y nagkumpulan,
sa pag-uusyoso’y nag-unahan.
At kanilang nasaksihan,
palahaw ng kawawang nilalang.
Ang asawa ng matandang Kadyo,
sapo-sapo ang sumabog na bungo.
Naghahalo ang laway at dugo,
Habang sinisigaw ang alboroto.
“Naka-bonnet sila, naka-bonnet sila!
Binalya pintuan naming nakasara.
‘Pulis kami, pulis kami, anila.
Sabay dakma kay Kadyong tulog na.”
“Hinila nila ang asawa ko.
Ako nama’y tinutukan ng kuwarenta’y singko.
Huwag po, huwag po, sabi ng Kadyo.
At pumutok na po, isa dalawa tatlo.”
Ang sabi ni Kapitan,
si Kadyo daw ay nasa listahan.
“Hindi iyon Bonnet Gang.
Pawang mga naka-bonnet lang.”
Di pa man natutuyo
ang sumargong dugo.
sumalakay na naman,
ang mga naka-bonnet na nilalang.
Doon sa may tambakan.
Sa bahay ng mag-amang Juan.
Narinig ang mga putukan.
At bumulagta dalawang katawan.
Si Juan daw ay nasa listahan
at nadamay lamang
ang bunsong walang muwang
habang sila’y naghahapunan.
“Huwag kayong mag-alala,”
sabi ng Kapitang dakila.
“Hindi iyon Bonnet Gang.
Pawang mga naka-bonnet lang.”
“Matulog kayo nang mahimbing.
Wala nang magnanakaw sa atin.
Walang dapat alalahanin,
payapa ang barangay natin.”
Matapos niya itong sabihin,
umuwi na ang Kapitan namin.
Tatlong araw siyang nawala.
Nang makita’y may balot na ang mukha.
Wala na daw ang Bonnet Gang.
Pinalitan lang ito ng mga naka-bonnet lang.
--Jay M. Pascual, Enero 24, 2017
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento