Monday, October 27, 2008

Kung Ako'y Malimot Mo

[ni Jay Pascual, pagsasalin mula sa salin ng tula ni Pablo Neruda "If You Forget Me"]
Nais kong matanto mo
ang isang bagay.

Batid mo na ito:
kung aking tanawin
ang maningning na buwan, sa matikas na sanga
ng taglagas sa aking durungawan,
at kung aking haplusin
ang ningas ng apoy
at dagitab ng baga
sa kuluntoy na balat ng kahoy,
ang lahat ay nag-aanyaya sa akin tungo sa iyo
tila ba lahat ng nilalang,
samyo, liwanag, asero,
ay mga munting bangkang
naglalayag
tungo sa iyong mga pulong nakaantabay sa akin.

At kung,
unti-unti'y limutin mo akong mahalin,
ika'y unti-unti ko ring lilimuting ibigin.

Sakaling
limutin mo ako
huwag na akong hagapin,
pagkat ika'y nalimot ko na rin.

Kung sa iyong masalimuot na pag-iisip,
na ang pagaspas ng hangi'y
humahalik sa kaibuturan ng aking buhay,
at kung maisipan mo'ng
lisanin ako sa dalampasigang
kinaluklukan ng aking damdamin,
alalahanin mo,
na sa araw na iyon,
at sa oras ding iyo'y,
ididipa ko ang aking bisig
upang ang aking kaibutura'y maglayag
tungo sa ibang pook.

Subalit,
sa bawat araw,
sa bawat saglit,
na madama mo'ng ika'y akin pa rin
sa di mahinuhang tamis ng pagsamo,
kung sa bawat sandaling ang bulaklak
ay manahan sa iyong mga labi upang ako'y apuhapin,
aking sinta, aking giliw,
lahat ng lagablab na iya'y nadarama ko rin,
walang napugto, walang nalimot
ang pag-ibig ko'y binubuhay ng pagsinta mo, giliw,
at habang ika'y nabubuhay lahat ng iya'y nasa iyo
at di rin lilisan sa akin.