Sa unang taong anibersaryo ng pagyao ng aking ina, muli kong ilalathala ang artikulong ito bilang pag-alaala sa kaniya:
Kamatayan, Paglalakbay, at Paglaya
Sa panahon ng pagdadalamhati, naging kaulayaw ko na ang mga piling sanaysay at tula ng aking mga paboritong manunulat. Tila baga pampamanhid ng kirot ang kanilang mga berso. Ang mga pangungusap at talata ay mistulang pampa-ampat ng nagdurugong damdamin.
Mabisang lunas sa kalungkutan ang pinagdugtong-dugtong na titik. Naipaliliwanag nila ang dahilan ng mga bagay. Nabubuksan ng mga pangungusap ang pag-unawa sa mga pangyayaring mahirap matanto, at mahirap tanggapin.
Katulad sa usapin ng kamatayan. Sino ba sa atin ang hindi nagdadalamhati kapag ang isang mahal sa buhay ay pumanaw? Likas sa tao ang mag-asam na makapiling nang habambuhay ang mga pinakamamahal.
Subalit walang nilalang ang maaaring mabuhay magpakailanman. Ito ang isa sa mga pinakamsaklap na katotohanan ng buhay. Ang lahat ay matatapos; ang lahat ay mapupugto. Sinuman sa atin ay hindi ligtas sa batas ng kalikasan.
Ngayon nga ay pumanaw na ang aking ina, halos mahigit isang taon at kalahati matapos lumisan ang aking ama. Sa iskema ng mga bagay-bagay, halos magkasabay silang lumisan. Naulila nila ang pitong magkakapatid at sampung apo.
Natural na makaramdam ng pighati ang isang anak na hindi nagkaroon ng pagkakataong masilayan ang huling sandali ng mga magulang. Isa ba itong ganti ng langit sa matabil at lagalag na anak?
Sa mga panahong katulad ngayon; sa gitna ng dalamhati, kasakit, at pighati, lagi at lagi kong naitatanong sa sarili kung ano ba talaga ang saysay ng kamatayan. Kung bakit may pumapanaw na tahimik at matiwsay? Bakit may pumapanaw na naghihirap? At bakit may pumapanaw nang marahas?
Sa ganang akin, anuman ang uri ng paglisan ng isang tao sa daigdig, iisa lamang ang kahulugan nito. Ang kamatayan ay paglaya. Paglaya mula sa kahirapan, paglaya mula sa sakit, sa dalamhati, sa suliranin, at sa mga pasaning krus na ipinataw ng daigdig ng mga tao.
Ang kamatayan ay hindi dapat pagluluksa. Totoo, tayo ay mangungulila sapagkat hindi na natin makakapiling ang pumanaw na mahal sa buhay. Subalit hindi tayo dapat malungkot dahil sa huling pagsusuri, ang taong namamatay ay lumalaya sa mga suliraning kakaharapin pa ng mga nabubuhay.
Sa panahon ng kamatayan, tunay na lalaya ang isang nilalang mula sa pagkakapiit sa katawang lupa. Napakamakabuluhan ang mga iniwang salita ni Khalil Gibran ukol dito. Sa kaniyang tulang The Prophet, inarok ni Gibran ang tunay na kahulugan ng kamatayan at ang saysay nito sa bawat nilalang:
Makapagsisimula lamang tayong pumaimbulog patungo sa buhay na walang hanggan matapos mapugto ang buhay ng ating katawang lupa. Masisimulan lamang ang tunay na paglalakbay matapos nating marating ang rurok ng buhay. Ito ang tunay na paglaya. Ito ang tunay na paglalakbay.

"For what is it to die but to stand naked in the wind and to melt into the sun?
And what is to cease breathing, but to free the breath from its restless tides, that it may rise and expand and seek God unencumbered?
Only when you drink form the river of silence shall you indeed sing.
And when you have reached the mountain top, then you shall begin to climb.
And when the earth shall claim your limbs, then shall you truly dance." (The Prophet, K. Gibran)
Makapagsisimula lamang tayong pumaimbulog patungo sa buhay na walang hanggan matapos mapugto ang buhay ng ating katawang lupa. Masisimulan lamang ang tunay na paglalakbay matapos nating marating ang rurok ng buhay. Ito ang tunay na paglaya. Ito ang tunay na paglalakbay.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento