Kung ikaw ay dating aktibista, o kaya'y nakaranas lumahok sa mga protesta sa lansangan, o nakisali sa mga ED (educational discussion) kasama ang mga aktibista, maaaring narinig mo na ang salitang Burukrata Kapitalismo.
Ayon sa librong Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero, ang Burukrata Kapitalismo ang isa sa batayang suliranin ng lipunang Filipino. Isa ito sa mga ugat na problemang nagpapahirap sa Filipinas.
Marami akong kakilala -- mga kamag-anak, mga kaibigan, kababata, mga dating kasamahan sa unibersidad -- na napapangiwi kung mababanggit ang katagang Burukrata Kapitalismo. Anila, laos na ang konseptong ito at hindi na dapat ginagamit na islogan.
Sa kainitan ng mga diskusyon at link posting ukol sa isyu ng pork barrel scam, may nabasa akong isang komento na animo'y nangungutya pa. Sabi ng nag-komento, ang iskandalo hinggil sa pangungulimbat ng mga mambabatas sa pondo ng gobyerno ang dapat gawing susing isyu na makapagpapakilos sa maraming Filipino. Dinugtungan niya pa ang komento na: "hindi na dapat 'ismo-ismo' ang isinisigaw ngayon," wala naman daw katuturan ang mga iyon at laos na.
Hindi ko alam kung tanga lang talaga ang taong nagkomentong iyon o malisyoso lang siya at nais lamang tudyuhin at kutyain ang kilusang Pambansa Demokratiko. Sa palagay ko ay pareho. Tanga siya sa tunay na kalagayang pampolitika ng bansa at malisyoso rin na nagnanais lamang mangutya ng mga aktibista.
Ang konseptong Burukrata Kapitalismo ay hindi lamang simpleng islogan na maaaring patok sa isang takdang panahon at nalalaos kapag lumaon. Ang ideyang ito ay pinatining sa pamamagitan ng praktikal na pagsusuri at pagsisiyasat sa mga kongkretong kalagayan ng lipunang Filipino, lalo na sa larangan ng politika, burukrasya, at pamamahala.
Kung hihimayin, mayroong dalawang pangunahing pampolitikang konsepto ang sistemang Burukrata Kapitalismo.
Una, ang konsepto ng burukrasya at mga kaakibat na burukrata. Pinatutungkulan nito ang sistema ng pamamahala sa isang modernong estado na pinangungunahan ng mga burukrata. Sila ang mga matataas na opisyal ng gobyerno -- halal man o hindi.
Ikalawa ay ang konsepto ng kapitalismo, na batid nating isang sistemang pang-ekonomiko. Sa sistemang kapitalismo, namamayani ang pag-iral ng kapital at tubo. Sa madaling salita ay pagnenegosyo at pagkamal ng ganansiyang pinansiyal.
Kapag ang interes ng mga burukrata ay nakabalangkas sa sistema ng pagnenegosyo, iiral ang sistemang Burukrata Kapitalismo -- ang pagturing sa gobyerno bilang isang malaking empresa o negosyo. Sa 'negosyong' ito, natural na ang mga burukrata ay maghahangad ng ganansyang pinansiyal.
Samakatuwid, imbes na ang burukrasya ay ituring na instrumento ng pagsisilbi sa mamamayan, itinuturing ng mga burukrata kapitalista ang gobyerno bilang instrumento na makapagbibigay sa kanila ng personal na yaman, prestihiyo, at kapangyarihan.
(Hindi pa tapos ang sanaysay na ito. Durugtungan pa sa susunod na mga araw.)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento