Lumaktaw sa pangunahing content

Para sa aking Naneng, salamat.

Linggo ng gabi nang huli kitang makita. Ginupo na ng sakit ang iyong dating sigla. Ang yayat mong katawan ay mistulang kandilang nauupos; umaandap sa pakikipaglaban sa kumakalat na dilim.

Buong tatag kong ibinubulong sa iyo ang himig ng pagmamahal. Batid ko kasing naririnig mo pa rin ako, at nag-aalala sa aking kalagayan. Palagi ka naman kasing nag-aalala. Katangian mo na ang maging maaalalahanin. Tinangka kong ipanatag ka, kahit man lamang sa huling sandali ng iyong buhay, upang mayakap mo nang payapa ang liwanang na naghihintay sa dulo ng karimlan.

Bago ako magpaalam ay isang mapait na luha ang nangilid sa aking mata. Pilit ko iyong iwinaksi. Nais ko kasing maghiwalay tayo nang may giliw, nang masaya… katulad noong tayo’y magkasama pa.

Kasabay sa pagputol ng bidyo sa telepono ay ang ragasa ng laksang hinagpis. Iyon na ang huli nating pagkikita. Iyon na ang huli kong pakikipag-usap sa iyo.

At bago maghating-gabi, ilang oras matapos kitang makita, ay iniwan mo na kami. Alam kong magiging maligaya ka sa iyong patutunguhan. Naghihintay doon ang iyong mga magulang at kapatid. Ang paglisan mo ay pagluluksa sa lupa subalit pagsasaya rin ito sapagkat makadadalo ka na sa piging na walang hanggan.

Pilit kong binubura sa isipan ang larawan ng iyong pagkakaratay. Ayaw kong alalahanin ka sa ganoong kalagayan. Nais kong manatili sa aking alaala ang mga panahong larawan ka nang sigla, sigasig, at saya.

Tulad noong tinuturuan mo pa akong magbasa ng abakada gamit ang isang polyetong nabili natin sa bayan. Pauupuin mo ako sa ibabaw ng mesa habang buong ingat mong binubuklat ang mga pahina upang ipakita sa akin ang mga larawan doon. Buong tiyaga mong iniisa-isa ang mga titik hanggang makabisa ko ang alfabeto.

Minsan nga’y hindi ko mapigilan ang maghikab habang ika’y nagtuturo. Buong giliw mo naman akong kakargahin, ihihiga sa kutson, at hahayaan nang matulog. Pagmulat ng mata ko’y ikaw agad ang hanap. Lagi at lagi’y nariyan ka sa aking tabi. Papahiran mo ng basang bimpo ang natuyong laway sa aking pisngi, paliliguan ako ng pulbos gamit ang alpombra, at tayo’y mananaog na upang magminandal ng tinapay, minatamis, tsokolate, o gatas. Napakasaya ko sa mga oras na iyon. Ihinihilig ko ang aking ulo sa iyong balikat upang magpasalamat at lubos na damhin ang ipinagkaloob na kalinga.

Kaya naman ayaw kong mawalay sa iyo noon. Bumibiyahe tayo sa malalayong lugar at sumasakay sa bus na may kahoy na upuan at kahoy na bintana. Ipinapasyal mo ako sa mga naglalakihang tindahan na may malamig na pasilyo. Kumakain tayo ng sorbetes, popcorn, siopao, at mami. Bibilhan mo ako ng mga laruan, maliliit na kotse, mga eroplanong umiilaw, at marami pang iba. Pagkadaka’y uuwi na tayo na masayang-masaya, tangan-tangan mo ang munti kong kamay habang nakayapos ako sa iyong bisig.

Ganoon ka naman palagi, mapagbigay. Masaya ka na kung nakikita mong masaya ako sa mga handog mong regalo. Tatalon ako sa tuwa sa tuwing ika’y dumarating sapagkat alam kong may espesyal kang dala para sa akin. LIliwanag ang iyong mukha kapag narinig mo ang aking tili ng pagkagalak. Mistulang sinag iyon ng bukangliwayway na lumalatay sa nabubuhay na umaga.

HIgit walong dekada kang nanatili sa piling namin. Kalakhan noon ay inilagak mo sa pagbibigay; sa pag-aaruga sa akin, sa amin, sa iyong mga pamangkin, sa iyong mga apo. Anong higit pang pagbibigay kundi ang pagbibigay sa sarili -- ang paggugol sa iyong panahon upang kalingain ang mga musmos na isip nang sa gayo’y lumaki kaming mabuting nilalang.

Ngayon nga’y lumisan ka na. Tutungo ka na sa hardin ng pangarap. Madalas na maikuwento mo sa akin noon ang tungkol sa langit. Ang sabi mo, lahat ay masaya sa langit. Naliligiran ito ng mga bulaklak, may malalawak na damuhan, at ang mga tao’y palaging nakangiti. Natutuwa akong nariyan ka na. Nariyan ka na sa lugar ng luwalhati. Malaya sa sakit, malaya sa pighati.

Para sa aking Naneng, salamat.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon

Introduksiyon UPDATE: Ang librong Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay maaari nang mabili sa lokal na online shop ng JMP Creative Media. Sundan lamang ang link na ito: BUY NOW: MGA KUWENTONG BAYAN NG BUKIDNON.   Ang pagbabasa ng mga katutubong kuwentong bayan ang isa sa pinakamabisang paraan upang maunawaan ang kultura ng isang bansa. Ayon kay William Bascom, isang kilalang Amerikanong kuwentista at antropolohista, ang mga kuwentong bayan ay salamin ng mga katutubong kaugalian, tradisyon, ritwal, at kultura. Nilalaman ng mga katutubong kuwento ang buod ng pagkatao ng isang partikular na grupo sa lipunan. Ang paglalathala ng e-Book na ito ay isang pagtatangka na maibahagi sa buong daigdig ang ilang piling kuwentong bayan ng tribung Bukidnon sa Hilagang Mindanao, sa wikang madaling maintindihan ng kabataang Filipino. Sa gayon, magiging mas nakaaaliw ang kanilang pagbabasa. Marami na ang nalimbag na mga kuwentong bayan ng tribung Bukidnon. Subalit kadalasan, ang mga kuwento ay nakasu...

Forced Haircut in Schools is Corporal Punishment

Forced Haircut in Schools is Corporal Punishment (Why This Policy Is Unjust and Violates Basic Child Rights) Valencia City, BUKIDNON.  The Department of Education (DepEd) has a long-standing policy that governs good grooming. This includes prescribing a so-called proper haircut for male pupils in both private and public schools.  According to Undersecretary Yolanda Quijano, “the prescribed haircut for boys is at least one inch above the ear and three inches above the collar line.” Schools under the supervision of DepEd are required to follow such standard. Unfortunately, this “haircut policy” has no clear implementing guidelines.  As a general practice, school principals and administrators have the authority to define their own sets of rules on how to implement the policy, including the enforcement of disciplinary actions on erring pupils.

Untitled I

It's not about knowing you when we were there, wandering, in gardens of youthful freedom. What matters is that I've known you, as you are. It's not about seeing you transformed in full splendor palpably radiant and  blinding mortal  eyes. What matters is that I’ve seen you, as you are. It’s not about hearing you, angelic rhythm of imagined voices  wallowing in bitter-sweet laughter. What matters is that I’ve heard you, as you are. It is not about touching you in the deepest  recesses of your uncharted nakedness, utterly lost  in the celebration  of your beauty and passion. What matters most is that I’ve touched you, as you are. It is not about feeling your stormy thoughts and calm contemplations though these are far constellations reached only by stellar signals. What matters most is that I’ve felt you, as you are. ‘Tis not about loving you, sweet rose-p...