May mga pangyayari sa ating buhay na hindi malilimutan, ultimong kaliitliitang detalye. Gaya nang panliligaw sa iyong mahal. O ang unang halik at yakap. O kaya’y ang araw ng iyong kasal. Ito ang mga pangyayaring nagkakaroon ng espesyal na puwang sa iyong isip. Nariyan lamang ang mga alaala, mistulang lumang larawan o bidyo na muli’t muli mong binabalikan kung gusto mong mangiti saglit o kiligin nang bahagya kaya.
Kagaya noong mga panahong wala pang social media dahil hindi pa uso ang internet. Text message lang ang palitan ng mga ‘sweet nothings’ ika nga. Kailangan pang bumili ng call and text card sa halagang 300 para walang humpay ang pagtetext at tawagan sa gabi.
Dahil kung nawalan ng load ang cellphone, paano maitetext ang isang tanong na nakapagpabago sa takbo ng buhay: “tayo na ba?” Na sinagot mo naman ng: “oo, tayo na.”
Ganoong kasimple lang iyon. Pero bawat letra ng mensaheng iyon ay punong-puno ng emosyon. Ang simpleng tanong at sagot na iyon ay humantong di kalaunan sa altar.
Pero bago noon ay sumakay muna ng tricycle papuntang munisipyo. Doon naghihintay na ang huwes na magbabasbas ng pag-iisang dibdib. Pagbaba pa lamang ng tricycle ay sumalubong na ang tatayong “ninang.” Siya rin kasi ang nag-ayos ng dokumento ng kasal. Bago pumasok sa sala ng huwes ay hinila ng “ninang” ang isa niyang katrabaho upang tumayong “ninong.”
Marahil ay ‘di na alintana ang napakaimpormal na prosesong dinaanan ng kasal. Ang naging mahalaga kasi ay naroon ang ikakasal. Nakangiti, magkahawak palad, may kaunting kaba, at umaapaw ang saya. Iyon lang ay sapat na.
At pumasok na nga ang ‘entourage’ sa loob ng sala ng huwes. Maliit lang ang kuwartong iyon. May isang sofa, may malaking mesa at punong-puno ng bungkos na dokumento. Naroon na si Judge, nakaupo sa kaniyang swivel chair na kulay brown, suot ang kaniyang pormal na pang-opisinang damit at malugod na nakangiti sa mga ikakasal.
Ang unang tanong ni Judge ay: “sigurado na ba kayo?” Natawa nang bahagya ang ikakasal, nagkatinginan saglit at halos sabay na tumango. “Opo.”
Tumayo na si Judge at binasa ang karaniwan nang binabasa sa mga taong ikakasal. Magkadaupang palad pa rin ang magkasintahan habang nakikinig sa mga payo ng huwes. Matapos nito’y isinuot na ang mga singsing at tinuldukan ang seremonya ng pagpapalitan ng matamis na halik sa labi.
Sang-iglap lamang ang naging pirmahan ng lisensiya sa kasal. Nagpaalam na ang bagong mag-asawa sa huwes at sa kanilang “ninang” at “ninong.” Nagpasalamatan at nag-iwan ng mga pagbati.
Pagbaba sa munisipyo ay nagkatinginan ang bagong kasal, ngumiti sa isa’t-isa at pasimpleng nagdampi ang isang mabilis na halik. Magkahawak kamay pa rin habang naghihintay ng tricycle pabalik sa syudad. Magkahawak kamay habang nakaupo sa tricycle. Magkahawak kamay hanggang makarating sa sentro ng lungsod.
Sa maikling pagbiyaheng iyon ay walang imikan. Tila ang magkadaop lang na palad ang nag-uusap. Kapwa nakatingin sa malayo na tila ninanamnam ang banayad na dampi ng hangin sa mga pisngi. Paminsan-minsang magtatama ang mga mata, at magpapalitan ng ngiti ang bagong kasal.
Habang naglalakad sa syudad upang umuwi na sa boarding house ay napadaan ang bagong kasal sa isang simbahan. Tila ba doon itinulak ang kanilang mga yapak. At malamang ay may dahilan kung bakit sila pumasok ng simbahan.
Sa loob ng simbahan ay kasalukuyang may ikinakasal. Ang pari ay nagsisimula pa lamang magsabing: “ikaw lalaki, buong puso mo bang tinatanggap si _________ bilang asawa na mamahalin habambuhay?”
Nagkatinginan ang bagong kasal at mahinang natawa dahil ikakasal na naman sila, kahit na sila’y usyusero lamang sa pagkakataong iyon. Kaya’t nagdaup na naman ang kanilang mga palad at tinanggap ang bendisyon ng pari.
Pagkatapos ng seremonya’y umalis na rin ang bagong kasal. Dumaan sa tindahan ng cake at bumili ng choco mousse na may ginayat na tsokolate sa ibabaw. Dinala nila ito sa boarding house at doon pinagsaluhan ang handa – isang cake, isang bote ng Coke, at simpleng ulam.
Hunyo 3 noon, labingwalong taon na ang nakalilipas. Pero parang kahapon lang iyon.