Sumambulat na naman sa bokabularyo ng maraming Filipino ang salitang oligarchy, oligarch, o sa atin pa ay oligarkiya, oligarko.
Subukan mo lang pumunta sa Facebook at Twitter. Maraming balita, status, at comments ang bumabanggit ng salitang oligarch o oligarchy. Minsan mapapaisip tayo kung tunay nga bang naiintindihan ng mga tao ang mga terminolohiyang ito.
Sa punto de bista ng political science, hindi simple ang pakahulugan sa oligarkiya. Marami itong sanga-sangang depenisyon. Magkagayunman, nakatutuwang makita ang tumataas na interes ng mga tao sa konsepto ng oligarchy / oligarkiya.
Pansinin ang screenshot galing sa Google Trends. Makikita ang biglang paghirit ng interes sa search term na oligarchy noong mga nakaraang araw. Marahil dahil na rin ito sa pahayag ng panggulo ng Pilipinas na nabuwag na niya ang oligarkiya kahit walang Martial Law.
Nagbunyi ang iba; ang iba nama’y napakamot ang ulo. Kaya pumunta sila sa Google para magsearch kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng oligarchy / oligarkiya.
Ano nga ba ang Oligarchy at sino ang mga oligarch?
Ang oligarchy ay isang porma ng gobyerno na binubuo ng elitistang seksyon ng lipunan, kadalasa’y mayayaman at dominante sa ekonomiya. Ang mga oligarch ay ang mga tao na kabilang sa oligarchy.
May dalawang elemento ang oligarchy. Una, ito ay isang manipestasyon ng pampulitikang kapangyarihan. Ikalawa, ang humahawak ng kapangyarihan ay kabilang sa mayayamang elite o mga dominante sa ekonomiya.
Kailangang buo palagi ang dalawang elementong ito upang tumpak na mailarawan ang oligarkiya. Kailangan din linawin na ang kapangyarihang tinutukoy dito ay “State Power” at hindi lamang petty power. Umiiral ang “state power” kapag ang kapangyarihan ay nagtatakda sa direksiyon, buhay, at kalakaran ng isang buong lipunan.
Kaya naman, kung ang isang angkang mayaman ay walang kapangyarihang pampulitika (state power), mayaman lang sila at hindi sila oligarch. Sa isang banda, ang isang karaniwang magsasaka na nanalong meyor ng isang maliit na bayan ay mayroon lang “petty power,” hindi rin siya oligarch.
Sa modernong nation-state, kadalasang nagtatago ang oligarch sa tabing ng estadong burges-demokrasya. Hindi na kasi katanggap-tanggap ngayon ang absolutong pamumuno ng isa o iilang pamilya. Kaya naman ginagawa nilang pantabing ang “demokratikong eleksiyon” upang masabi na ang mga pinuno ay kumakatawan sa karaniwang mamamayan.
Kadalasan din, ang mga pamilya/angkan na ubod ng yaman ay nagtatalaga ng kanilang pulitikong representate na siyang hahawak ng state power. Sa ganitong paraan, napananatili ng oligarkiya ang kanilang mahigpit na hawak at kontrol sa larangan ng ekonomiya at politika.
Maraming anyo ang mga pulitikong representante ng oligarkiya. Maaaring sila ay bahagi rin ng angkan ng oligarkiya. Maaaaring sila ay masugid na alila ng oligarch. Maaari din naman na mersenaryo ang pulitiko at naghihintay lamang ng malaking pabuya na ibibigay ng mayamang angkan kung isusulong niya ang interes na pabor sa kanila.
Sa konteksto ng Pilipinas, napakatagal nang panahon na umiiral ang oligarchy. Tingnan lamang ang mga nananalo sa eleksiyon. Lahat sila ay milyonaryo at bilyonaryo pa nga ang iba. Kung may lumusot mang galing sa mahihirap, iilan lang ito at hindi mababago ang karakter ng state power.
Pansinin din na ang halos lahat ng may pampulitikang kapangyarihan ay may signipikanteng interes sa buhay ekonomiya ng bansa. Sila ay may-ari ng malalawak na lupain, may-ari o may kontrol ng malaking industriya, o di kaya’y isang local na political dynasty na maraming koneksiyon sa malalaking negosyo, korporasyong multi-nasyunal, at/o mga hasyenda.
Tinatabingan ng “demokratikong eleksiyon” ang mga oligarch ng Pilipinas. Nagkukubli sila sa mga katagang “people’s representative.” Upang matanggal ang kanilang balatkayo, dapat na masusing suriin ang pang-ekonomiyang interes na nasa likod ng isang pulitiko. Tingnan ang kanilang yaman, (tagong-yaman), ari-arian, kawing sa malalaki at estratehikong negosyo, at mga aktuwal na ‘backer’ o tagapondo ng kanilang karerang pampulitika.
Sabi nga: “kung ang isang bibe ay naglalakad ng parang bibe, umaatungal na parang bibe, at umaastang bibe; tunay na makasisiguro ka na iyon ay isang bibe.” Ganyan din naman sa oligarkiya. Lagi at laging isusulong ng mga oligarch ang interes ng kanilang uri sa lipunan. Itaga mo pa iyan sa bato.
Kaya ang tanong: Ano nga ulit ang binuwag ng pangulo?
-------------------------------------------------------------------
Kung interesado ka sa dagdag paliwang, panoorin ang bidyo dangan nga lang ay konteksto sa Estados Unidos ang nilalaman nito.
Baka naman gusto ninyo ng dagdag babasahin ukol sa pagpapalalim ng konsepto ng oligarchy, inequality, at modernong kapitalismo. Narito ang ilan sa magagandang reference na mabibili sa Amazon.