Wednesday, January 25, 2017

Bagong Bonnet Gang

Naging bantog sa barangay
ang ginawang pagsalakay
ng kinatatakutang
Bonnet Gang.

Bahay ni Mang Igan,
nilimas ang laman.
Walang pinatawad,
ultimong kalendaryong hubad.

Matinding ligalig
ang bumalot sa paligid.
Usap-usapan ng mga ka-barangay,
mga kawata’y muling sasalakay.

At nagdilang anghel nga,
ang mga matabil ang dila.
Sa amin ay bumuluga,
isa na namang balita.

Sa dampa ni Mang Kadyo
sa gilid ng estero,
narinig ang mga putok,
isa, dalawa, tatlo.

Mga tambay nagpulasan,
animo’y sinisilihan.
Sila’y naghiyawan,
“Bonnet Gang! Bonnet Gang! ‘Ayan na naman.”

Mga tao’y nagkumpulan,
sa pag-uusyoso’y nag-unahan.
At kanilang nasaksihan,
palahaw ng kawawang nilalang.

Ang asawa ng matandang Kadyo,
sapo-sapo ang sumabog na bungo.
Naghahalo ang laway at dugo,
Habang sinisigaw ang alboroto.

“Naka-bonnet sila, naka-bonnet sila!
Binalya pintuan naming nakasara.
‘Pulis kami, pulis kami, anila.
Sabay dakma kay Kadyong tulog na.”

“Hinila nila ang asawa ko.
Ako nama’y tinutukan ng kuwarenta’y singko.
Huwag po, huwag po, sabi ng Kadyo.
At pumutok na po, isa dalawa tatlo.”

Ang sabi ni Kapitan,
si Kadyo daw ay nasa listahan.
“Hindi iyon Bonnet Gang.
Pawang mga naka-bonnet lang.”

Di pa man natutuyo
ang sumargong dugo.
sumalakay na naman,
ang mga naka-bonnet na nilalang.

Doon sa may tambakan.
Sa bahay ng mag-amang Juan.
Narinig ang mga putukan.
At bumulagta dalawang katawan.

Si Juan daw ay nasa listahan
at nadamay lamang
ang bunsong walang muwang
habang sila’y naghahapunan.

“Huwag kayong mag-alala,”
sabi ng Kapitang dakila.
“Hindi iyon Bonnet Gang.
Pawang mga naka-bonnet lang.”

“Matulog kayo nang mahimbing.
Wala nang magnanakaw sa atin.
Walang dapat alalahanin,
payapa ang barangay natin.”

Matapos niya itong sabihin,
umuwi na ang Kapitan namin.
Tatlong araw siyang nawala.
Nang makita’y may balot na ang mukha.

Wala na daw ang Bonnet Gang.
Pinalitan lang ito ng mga naka-bonnet lang.

 

--Jay M. Pascual, Enero 24, 2017

Tuesday, June 21, 2016

Enero Tres

ang iyong mga kaway
ang indayog ng iyong munting kamay
ay tagpas ng tabak sa aking dibdib
papaalis ka na
papaalis ka nang muli
tungo sa dalampasigan ng iyong kamusmusan
ang iyong ngiting
sintamis ng umaga
ay punglo sa aking dibdib
ang iyong mga kaway
ang iyong mga ngiti
ay kumikitil
sa puso kong
namimighati.

-- Jay M. Pascual, 2003

3 Haikus, 3 Thoughts of You

(I)
She walks in beauty
Feet ablaze in stellar warmth
Scorching path of hearts

(II)
Solitary Pearl
My name is Melancholy
Let me lie and die

(III)
Forbidden Rose bud
In garden of weeds and thorns
Pick it and shed blood

-- Jay M. Pascual, 2001

Saturday, May 14, 2016

Open Live Writer Test Post

This is a test post using the open source blogging client, Open Live Writer. OLW is the so-called “spiritual reincarnation” of Microsoft-abandoned blogging client, Windows Live Writer.

Let’s see how images will render:

Pinoy Weekly on Twitter- -https---t.co-VBcfapxEaD- 2016-01-19 23-25-30

Of course, I’d like to see if the formatting tools will work:

Bold Face

Underline

Italic

HEADING 1

Centered Text

Right Aligned

In case you want to try Open Live Writer, just download the installation file HERE.

Monday, January 11, 2016

MONUMENTO SA TAKIPSILIM

Ito ang oras ng pag-aagawan
binababag ng gabi ang umaga
nilalamon ng dilim ang liwanag ng araw
pinapupusyaw ng sinag ng buwan
ang paghihingalo ng kanluran.

Ito ang oras ng pagsisiksikan
ng laksang nilalang
sa mga estribo ng sasakyan
dahil nais nang manaig ng pamamahinga
sa kanilang katawang bugbog sa maghapong pagpapagod.

ito ang oras ng pagsuong
sa daluyong ng balisang talampakan
na nag-aapurang makauwi
dahil mahapdi na ang kalyong
nakipagtunggali sa de-gomang sapatos.

Ito ang oras ng paglipad
ng mga bituin ng gabing
naninirahan sa bahay alitaptap
upang makipagbuno sa libog ng mga parokyanong
naghahanap ng kaligtasan sa panandaling kaligayahan.

Ito ang oras ng pagtalas
ng mga mata ng buwitreng
nakaunipormeng asul
at may bota't silbato
upang may pangmeryenda sa gagawing pagpupuyat.

Ito ang oras na pumapailanlang
ang mga makabagong agilang
dumadagit ng cellphone at bag
upang may maiuwing
pantawid gutom o pantawid bisyo?

Ito ang kasukalan
sa ganitong oras pagbaba ng telon.
May tamis na malalasap
sa kumukulapol na maitim na usok.
May pait na matitikman
sa maling akala ng pulutong
na sila'y makapagpapahinga na
ng payapa.

-Jay M. Pascual



Ang Monumento sa Takipsilim ay bahagi ng kalipunan ng mga tula na libreng mada-download sa SmashWords. Mangyari lamang sundan ang link na ito: MGA TULA SA BAUL ni Jay M. Pascual
Format: ePub, PDF, RTF, Mobi, Text, Online

Sunday, January 3, 2016

Walang Pamagat na Tula ni George Calaor



I

Siya na plauta, siya na lagi kong inibig.
Siya na alaala ng tubig, sa uhaw kong isip.
Ang lunggati ng lunggati,
Ang samyo ng siphayo.
Siya na Hininga ng bukangliwayway,
Alaala ng kasaganahan ng ginapas na palay.
Usok ng piging ng alaalang 'di magmaliw.
Siya ang lahat ng kailanman,
Na hindi kailanman magiging ngayon.
At nauunawaan ko ang mga tala,
Sa kanilang kalungkutan.

II

Kumusta na si Chairman Gonzalo at Commander Zero?
Nagising na ba sila sa pagkakahimbing sa hardin?
Tagay para kay Amado Guerrero!
Tagay para kay Armando Liwanag!
Pero huwag kalilimutan-
Isang marangyang tagay para kay Dagohoy,
At sa isangdaan taon niyang pag-aaklas!
Naalala ko si Hikmet, Neruda, at Uncle Ho-
Isang marangyang piging sila ng pag-aalay sa sarili.

Sinta,
Hayaan akong magtampisaw sa Ilog Lena
At tumula nang may asupre sa bibig,
Asero sa dibdib,
At may pagpaslang sa panaginip.
Pagdaka'y babagtasin ang daan papuntang Yenan,
Inaawit ang iyong pangalan na tila hibang.
Naaalala ang mga baywang na iyan,
Ang mga baywang,
Na hinahaplos sa bukangliwayway.

III

Pagkatapos ng Rebolusyon,
Sa panahon ng Rekonstruksiyon,
Nariyan ka pa kaya?
Maaalala mo pa kaya tayong dalawa?
Mga manlalakbay ng malay,
Mga pangahas ng bukas?

-- George Tumaob Calaor

Tuesday, February 3, 2015

Uri ng Mga Adobo sa Filipinas

Adobo ang isa sa mga pinakapaboritong ulam ng mga Filipino. Ayon sa ilang pananaliksik, ang adobo ay mula sa salitang Kastilang "adobar," na ang ibig sabihin sa Ingles ay "to marinade."

Subalit bago pa man sakupin ng mga Kastila ang Filipinas, nag-aadobo na ang mga Filipino. Dahil lubhang mainit sa bansa at madaling mapanis o mabulok ang mga di-lutong pagkain, natutunan ng mga katutubo na ibabad sa suka at asin ang kanilang pagkain at pagkatapos ay pakukuluan hanggang maluto. Napakatagal ng shelf-life ng mga pagkaing dumaan sa ganitong paraan ng pagluluto.

Ngayon nga ay bantog pa rin ang adobo sa Filipinas at halos bawat rehiyon ay may kani-kaniyang bersiyon nito. Sa kabutihang palad, natikman ko na halos lahat ng iba't-ibang uri ng adobo sa Filipinas at natutunan na rin kung paano ito lutuin.

Adobong Manok / Adobong Baboy / Adobong manok at baboy - Bersiyong Tagalog

Manok o baboy ang karaniwang pangunahing sangkap ng adobo. Minsa'y pinaghahalo ang dalawa para maging "chicken-pork" adobo. Pero para sa akin, adobong manok na yata ang pinakamasarap na pagkain.

larawan ng adobong manok

Adobong manok. Larawan mula sa Wikimedia.org


Tinawag kong adobong Tagalog ito sapagkat natutunan ko itong lutuin sa Bulakan, salamat sa aking Mommy. Madali lang ang paghahanda at pagluluto nito:

Magpitpit ng maraming bawang. Gisahin at ihalo ang manok o baboy sa kawali.  Buhusan ng suka at toyo. Budburan ng pamintang durog. Lagyan ng katiting na bayleaf. Pakuluan o sangkutsahin.

Sa unang kulo, kunin ang sabaw at itabi muna. Lakasan ang apoy ng kalan upang maprito ang manok o baboy sa sariling mantika. Hintayin na maging golden brown at saka ihalong muli ang sabaw. Patuyin hanggang magsarsa na medyo mamantika-mantika.

At kumain ng masarap!

Adobong Visayas

Una kong natikman sa Iloilo ang Adobong Visayas. Tinuruan ako ng aking kaibigan sa pagluluto nito.

Adobong Visayas. Larawan mula sa Wikimedia.Org.


Tinatawag din minsan itong sinangkutsang adobo. Manok o baboy din ang pangunahing sangkap. Mas madali itong lutuin.

Ilagay ang manok o baboy sa kaldero. Buhusan ng suka, toyo, at kaunting tubig. Budburan ng durog na paminta, lagyan ng ilang piraso ng buong paminta at maliit na putol ng laurel. Lagyan ng asukal na pula. Pakuluan.

Habang nagpapakulo, kumuha ng kaunting atsuwete at ibabad sa mainit na tubig. Pigapigain ang atsuwete hanggang magkakulay ang tubig.

Kapag malapit nang maluto ang adobo, ibuhos ang kinulayang tubig mula sa atsuwete. Huwag hayaang matuyo. At kumain ulit ng masarap!

Humba: Ang Adobo ng Mindanao

Una kong natikman ang Humba sa Cagayan De Oro City. Malupit ang adobong ito; sa kapal at linamnam ng taba ay talagang maglalaway ka.

Baboy na may makapal na taba ang pinakamainam na sangkap sa Humba. Masarap ding gamitin ang pata ng baboy. Maaari din itong lutuin sa pressure cooker upang maging malambot ang laman at kapag kinai'y unti-unting matutunaw sa iyong bibig ang taba.

Humba ng Mindanao. Larawan mula sa http://jeansrecipes.com



Paano ito lutuin? Ilagay sa kaldero ang baboy. Buhusan ng toyo, suka, at kaunting tubig. Budburan ng asukal at kaunting paminta. Lagyan ng maraming bawang. Ihalo ang laurel o anise. Haluan ng itim na beans. Pakuluan ng matagal hanggang maluto. Huwag hayaang matuyuan; mas mainam kung masarsa ang Humba.

Ihanda at kumain ng masarap… ulit-ulitin ang pagkain!

Mga Kakaibang Luto ng Adobo

Sa mga paggagala ko sa iba't-bang lugar sa Filipinas, marami na akong nakita at natikmang mga kakaibang uri ng adobo.

Halimbawa, sa Tarlac ay natikman ko ang adobong Camaro, na isang uri ng kuliglig o cricket.

Sa Bicol ay may adobo sa gata; napakaanghang nito. Puting adobo naman ang natikman ko sa isang karinderya sa Masbate.

Samu't-saring adobong gulay naman ang naipatikim sa akin ng mga nakadaupang palad ko sa Capiz, Antique, at Timog Iloilo. Minsan nga ay nakakain pa ako ng adobong tengang-daga (black mushroom) at isang exotic na ibon na inadobo.

Mukhang napahaba ang blog post na ito. Marahil sa susunod ay iisa-isahin ko ang mga kakaibang lutong adobo, kabilang na ang niluto ng aking bunsong anak: Adobong Dulog (Salagubang), nakupo!

Thursday, January 15, 2015

Alaala

Maraming mga pangyayari ang hindi ko na maalaala. Mga pangyayari na parang panaginip na lamang, minsan nga ay halos hindi ko na matandaan maski kaunting detalye. Parang nabubura ito sa memorya.

Gayundin naman sa mga bagay. Hindi ko na matandaan ang mga naging libro ko, ano ang kulay ng bag ko noong kolehiyo, ano ba ang gamit kong pang-araw-araw noon. Nawala na lahat ang mga iyon sa memorya.

At ito rin ang sitwasyon sa mga taong nakasalamuha ko. maaaring natatandaan ko ang hitsura ng mga nakadaupang palad ko noon. Alam ko pa minsan ang kanilang mga pangalan. Pero ang mga bagay at mga pagkakataong pinagsaluhan ay mistulang nagiging malayong panaginip na lang. Malabo na ika nga.

Bakit ko nga ba naisusulat ito ngayon? Marahil ay nangungulila lamang ako sa aking ina. Dalawang taon na ang nakalipas nang lisanin na niya ang daigdig.

Sariwa pa naman ang alaala niya. At sino ba namang nilalang ang makakalimot sa kaniyang magulang. Subalit may mga pagkakataong nagiging mistulang malabong panaginip na lamang ang mga bagay at pagkakataong pinagsaluhan namin.

Katunayan, wala na sa aking gunita ang mga panahong pinagsaluhan namin noong ako'y bata pa. Paano ba niya ako binibihisan? Paano ba niya hinahanda ang gamit ko sa eskuwela? Hindi ko na matandaan ang mga ito.

Naaalala ko naman ang mga panahon ng pagbabakasyon ko sa Mindoro. Naroon kasi ang hanapbuhay ng aking mga magulang. May dalawang pagkakataon lang yata akong nakapagbakasyon noon sa kanila.
Ang hinding-hindi ko nalilimutan ay kung gaano kasarap ang mga lutong bahay na inihahanda ni Mommy. Paksiw na bangus, halabos na tilapiya, sinigang na hipon o sugpo, adobong talaba, menudo, at kung anu-ano pa.

Basta yata sa pagkain ay mahirap talagang malimutan ang ating mga ina. Talaga namang maingat niyang inihahanda ang bawat pagkaing pagsasaluhan namin. Kahit na iniihit na siya ng ubo sa pag-ihip sa de-kahoy na lutuan, ay di niya iyon alintana. Nakikita ko na nahihirapan siyang huminga minsan dahil sa kaniyang hika. Pero hindi iyon sagabal basta inihahanda niya ang ihahain sa amin.

Subalit parang isang gasgas na silent movie na lamang ang aking mga alaala. Malabo na sa gunita ang mga kakaiba at nakahahalinang amoy ng kaniyang niluluto. Hindi ko na nga rin maalala kung ano ang mga pinag-usapan namin habang tumutulong ako sa kaniya sa kusina. Silent movie na nga lang.

Ang pangamba ko, baka sa paglipas ng panahon; matapos ang marami pang taon, baka pati ang mala-silent movie na memorya ko ay lalo pang kumupas. Ayaw ko itong mangyari.

Wednesday, January 14, 2015

Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon

91JDfPjz6iL._SL1500_

Introduksiyon

Ang pagbabasa ng mga katutubong kuwentong bayan ang isa sa pinakamabisang paraan upang maunawaan ang kultura ng isang bansa. Ayon kay William Bascom, isang kilalang Amerikanong kuwentista at antropolohista, ang mga kuwentong bayan ay salamin ng mga katutubong kaugalian, tradisyon, ritwal, at kultura. Nilalaman ng mga katutubong kuwento ang buod ng pagkatao ng isang partikular na grupo sa lipunan.

Ang paglalathala ng e-Book na ito ay isang pagtatangka na maibahagi sa buong daigdig ang ilang piling kuwentong bayan ng tribung Bukidnon sa Hilagang Mindanao, sa wikang madaling maintindihan ng kabataang Filipino. Sa gayon, magiging mas nakaaaliw ang kanilang pagbabasa.

Marami na ang nalimbag na mga kuwentong bayan ng tribung Bukidnon. Subalit kadalasan, ang mga kuwento ay nakasulat sa wikang English. Tampok sa mga aklat na ito ang kalipunang binuo ni Mable Cook Cole, ang Philippine Folk Tales, na nalathala sa Chicago, USA noong taong 1916.

Limang kuwento sa e-Book na ito ay nagmula sa aklat ni Cole at isinalin sa wikang Filipino upang mapakinabangan at mapag-aralan ng mga kabataang Filipino.

Isa pang mahalagang koleksiyon ng mga popular na kuwentong bayan sa Filipinas ay binuo naman ni Dean S. Fansler. Ang libro ni Fansler ay pinamagatang Filipino Popular Tales na inilathala ng American Folk-Lore Society sa New York, USA noong taong 1921.

Nasusulat rin sa wikang English ang kuwentong bayan ng tribung Bukidnon hinggil sa paglikha ng daigdig. Ang kuwentong How the World Begun - A Popular Bukidnon Folktale Retold, ay kasama sa aklat na Philippine Literature nina Lourdes M. Ribo at Linda D. Reyes.

Natatangi naman ang manuskrito ni Michelle V. Datuin ng Mindanao State University - Iligan Institute of Technology (MSU-IIT). Ang likha ni Datuin ay pinamagatang Pagsasalin sa Filipino ng mga Piling Kwentong Bayan ng Tribung Bukidnon para Instruksyunal Materyal. Matatagpuan ang koleksiyong ito sa School of Graduate Studies ng MSU-IIT.

Tanging ang manuskrito lamang ni Datuin ang nagtangkang maglahad ng mga kuwentong bayan ng tribung Bukidnon sa wikang Filipino.

Kamakailan lamang ay nilathala ng Kitanglad Integrated NGOs ang serye ng mga Komiks na naglalaman ng mga katutubong tradisyon ng tribung Bukidnon. Inilunsad sa publiko ang serye ng mga Komiks noong Mayo 2013. Binubuo ang serye ng apat na bolyum: 1) Bukidnon tale of creation; 2) Traditional Marriage practices of the Bukidnon Tribe in Mt. Kitanglad; 3) Maternal and Child Care; 4) Responsible Parenthood.

Ang mga Komiks na nabanggit ay nakasulat sa wikang Binukid, ang katutubong wika ng tribung Bukidnon, at mayroong katumbas na salin sa wikang English.

English pa rin ang wikang ginamit sa pagsasalin. Wala namang masama kung pangunahing nasa wikang English ang pagsasalin ng mga katutubong kuwento at tradisyon ng tribung Bukidnon. Subalit magiging mas mayaman ang kultura ng Filipinas kung ang mga katutubong kuwento ay maisasalin sa wikang Filipino. Dagdag pa, mas madaling maiintindihan ng mga mamamayan kung ang mga kuwentong bayan ay nakasulat sa sariling wika.

Ang mga ito ang pangunahing dahilan sa pagbuo ng e-Book na inyong binabasa ngayon.

Ang Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay isang independiyenteng pagtatangka na mailarawan ng malinaw ang mga tradisyunal na kuwento ng tribung Bukidnon sa wikang Filipino.

Ang e-Book ay binubuo ng anim na kuwento:

Paano Nilikha ang Daigdig

Paano Nagkaroon ng Buwan at mga Bituin

Ang Malaking Baha

Paano Naging Unggoy ang mga Batang Paslit

Si Magbangal

Si Bulanawan at Si Aguio

Ang unang kuwento, Paano Nilikha ang Daigdig, ay ibinatay sa bersiyong English na How the World Begun, nina Ribo at Reyes sa aklat na Philippine Literature. Ang limang kuwentong bayan sa kalipunang ito ay hinalaw naman sa bersiyong English ni Mable Cook Cole sa aklat na Philippine Folk Tales.

Hindi na isinama sa e-Book na ito ang mga bersiyong nakasulat sa English. Layon lamang ng e-Book na makapagbigay aliw sa mga mambabasa. Sa pagsasalin sa wikang Filipino, umaasa rin ang tagasalin na makatutulong ang edisyong ito na mabalikang muli ng mga kabataang Filipino ang mga sinaunang kuwento ng katutubong tribo ng Bukidnon.

Jay M. Pascual


Ang Mga Kuwentong Bayan ng Bukidnon ay mabibili sa Amazon Kindle Store. Mangyari lamang sundan ang link upang matagpuan ang pahina ng produkto.

Maaaring makabili din sa Google Play sa pamamagitan ng link na ito: Kuwentong Bayan ng Bukidnon sa Google Play.

Monday, January 5, 2015

Ang Kuwentuhang Praybeyt Benjamin-Pnoy, at Kung Bakit Dapat 'Aliwin' ang Masa

Nitong nagdaang araw ay kinapanayam ni Vice Ganda si Pangulong Aquino. Nakaakit ng kapwa papuri at batikos ang panayam na ito. Sa katunayan, naging tampulan nga ito ng usapan sa Facebook at Twitter.

Para sa mga hindi pamilyar sa showbiz ng Filipinas, si Vice Ganda ay isang sikat na komedyante, TV host, at artista. Laksang milyon ang mga tagahanga niya na karamiha'y karaniwang Filipino na kabilang sa masa ng mamamayan.

Bagama't hindi ko napanood ang buong panayam ni Vice sa pangulo, nakita ko naman ang ilang piling clips na ipinalabas sa panggabing balita.

Tunay ngang nakaaaliw ang panayam. Nakakatawa ito, magaan ang usapan, at tila baga ipinapakita ang 'karaniwang mukha' ng pangulo ng Filipinas - nakikipagbiruan, tumatawa, kumakanta, at nakikisabay sa pabirong pambabara.

Sa punto de vista ng PR at pang-masang pakikipagkomunikasyon, isang tagumpay ang panayam na ito. Mahusay ang pagpapakete at nahawakang mabuti ang pakay na ipakita sa madla ang kagaanang loob ng pangulo ng Filipinas.

May mangilan-ngilan akong taong nakausap na nakapanood ng panayam ni Vice Ganda kay Pnoy. Halos lahat sila ay naaliw. Natutuwa silang makita ang 'mukhang nakangiti' ni Pinoy. Sa ganitong reaksiyon pa lamang ay masasabing nagkamit na ng malaking 'poging-puntos' ang pangulo. Tagumpay rin ito ng mga namamahala sa PR ni Aquino.

Subalit bakit nga ba talaga ginawa ang panayam na ito ni Vice kay Aquino? Simple lang naman ang sagot dito: Upang aliwin ang masa ng mamamayang Filipino.

Ang taktika ng pang-aaliw sa mamamayan ay singtanda na ng kasaysayan ng sangkatauhan.

Noong panahon ng kasibulan ng Emperyong Romano, madalas nagdadaos ng pampublikong pagtatanghal ang Emperador ng Roma sa Koloseyum. Umaangkat pa ang mga Romano ng alipin upang ipakin sa mga mababangis na hayop.

Ang mga sinaunang Romano rin ang nagpasimuno sa pagtatanghal ng mga labanan upang gawing aliwan. Noon ay nagtatagisan ng lakas hanggang kamatayan ang mga gladiator.

Tuwang-tuwa naman ang mga mamamayan ng Emperyo sa ganitong mga palabas. Naaaliw sila at puspos na nagpapasalamat pa sa kanilang Emperador.

Noon namang panahon ng Middle Ages ay may mga pa-torneo ang iba't-ibang kaharian na pinagbibidahan ng mga de-kabayong Knights.

Sa modernong praktika ng pang-aaliw sa mamamayan, tumampok na ang paggamit ng mass media. Itinatanghal na sa mga sinehan at telebisyon ang mga nakaaaliw na palabas. May mga boksing, MMA, wrestling, basketbol, at iba't-ibang uri ng timpalak palakasan.

Aliw na aliw ang mga tao sa mga palabas na ito.

Sa Estados Unidos halimbawa, makailang beses naging bisita si Pangulong Barack Obama sa mga panggabing palabas na komedi. Kinakapanayam siya ng mga komedyanteng komentarista.

Aliw na aliw din ang mga Amerikano sa ganitong palabas.

At heto nga si Vice Ganda, isang komedyante, isang artistang kilala bilang Praybeyt Benjamin, nagpapatawa, nang-aaliw. Kinapanayam niya si Aquino sa isang pag-uusap na mistulang simpleng huntahan lamang o kuwentuhan ng dalawang magkaibigan.

Patok na patok at bentang benta ang palabas na ito sa mamamayan. Naaliw at tumawa ang masang Filipino.

At bakit nga ba kailangang aliwin ang masa ng mamamayan? Bakit kailangan silang patawanin? Lantad na lantad ang dahilan: Pagtakpan ang kabulukan ng pamamahala.

Minsan nang sinabi ni Karl Marx na 'ang simbahan ay nagsisilbing opyo ng masang manggagawa.' Ngayong panahon, kung hihiramin ang kaisipang ito ni Marx, maaaring sabihin na ginagamit na opyo para sa mamamayang Filipino ang kuwentuhang Vice Ganda-Pnoy.

Tinuturukan ng nakaaaliw na palabas ang kamalayan ng mamamayang Filipino upang malimutan nila na ang kanilang pangulo ang naglulublob sa Filipinas sa putik ng kabulukan ng pamamahala.

Pinatawa tayo ni Vice Ganda at Pangulong Aquino upang malimutan ang nagpapatuloy na paglala ng kawalang hanapbuhay sa Filipinas. Upang malimutan na barya-barya pa rin ang sahod ng manggagawa. Upang malimutan na tumaas na pala ang pamasahe sa MRT at LRT. Upang malimutan ang kriminal na kapabayaan ng gobyerno ni Aquino sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Sa kabuuan, ang taktika ng pang-aaliw ay taktika ng panunupil sa mamamayan. Isa itong marahas na taktika na binalutan ng minatamis na suman na may halo pang ube at leche flan.

Ang taktika ng pang-aaliw, ang nakakatawang panayam ni Vice kay Pnoy ay pormalinang nagnanais sumagka sa galit ng mamayan.

Hindi ito nakakatawa.